Mabuting Balita l Disyembre 8, 2022 – Huwebes | Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH
Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod ng Galilea na tinatawag na Nazaret, sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria. Pagpasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya: “Aba, puspos ka ng biyaya! Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito, si Maria ay nagitla at pinagdili- dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat naging kalugod-lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman, at walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag-anak mong si Isabel ay naglihi rin ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Huwag kang matakot! Matuwa ka dahil kalugod-lugod tayo sa Diyos!
May isang commercial ng isang sikat na brand ng kape na kapag naririnig ko sa radyo o napapanood sa tv, ako ay napapasabay, o napapa LSS. Ang sabi sa tagline ng commercial ay: “Ano man ang mangyari, babangon tayo! Susulong tayo!” Bangon at sulong. Ito ang mensahe sa atin sa Mabuting Balita ngayon.
Araw-araw, bumabangon tayo mula sa pagkakahiga, mula sa pagtulog. Ang pagbangon ay isa ring pag-ahon, pag-ahon halimbawa sa mga unos na nangyari sa ating buhay. Katulad sa karanasan ng ating mga kapatid sa Visayas at Mindanao nuong sila ay dinaan ng malakas na bagyo, sabi nila na: ”Bangon Cebu! Bangon Negros! Bangon Luzon, Visayas, at Mindanao!”
Sa ating Mabuting Balita ganito rin ang nangyari, may pagbangong naganap. Higit pa sa pagmulat ng mata at pagtayo mula sa kinahihigaan, naranasan din ni Maria ang pagbangon. Binangon niya ang buo niyang pagkatao, ang kanyang pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos na maging ina ng Diyos. Binangon niya ang kanyang puso, kalakip ng pagmamahal at paniniwala niya sa Diyos.
Marami na ang nangyari sa ating buhay. Nariyan ang mga pagsubok na dulot ng pandemya, problema sa pamilya, digmaan sa ibang bansa, mga sakuna, bagyo, baha, lindol at marami pang iba. Mahirap bumangon sa ganitong mga karanasan, pero sa panahong ito, inaanyayahan tayo ng Diyos na bumangon. Bumangon mula sa sakit at pagdurusa, bumangon mula sa pagkakadapa sa mga nagawang kasalanan. Bumangon at pag-alabin ang nanlalamig at natutulog na puso. Gawin nating huwaran si Maria, walang pag-aalinlangan na bumangon at tinanggap ang mabuting mensahe ng Diyos.
Kapanalig, kumusta ang iyong pananampalataya? Kumusta ang bunga ng iyong mga pagnonobena, pagrorosaryo at pagsisimba? May mabuti bang bunga o mahilig ka pa rin pag-usapan ang buhay ng iba, mag Marites?
Ngayong panahon ng Adbiyento, sikapin sana natin na matularan ang buhay ni Maria, wala siyang pag-aalinlangan na sumunod sa paanyaya ng Panginoon. Buo ang loob, buo ang pagtitiwala na sumagot sa sinabi ng anghel: “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.”
- Fr. Julius Ma. Dayandante, MMHC | Marian Missionaries of the Holy Cross