Mabuting Balita l Marso 13, 2024 – Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Ebanghelyo: Juan 5:17-30
Sumagot si Hesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kayat lalo pa ring
hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil nito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Hesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman ang
Anak mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang
sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi
nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi
siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako
ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Uso ang salitang hugot. Mag cocomment tayo na: “Saan mo naman hinugot ‘yan? Ang lalim ng hugot, ah?” Kung hugot ang
pag-uusapan, mayroon ding hugot ang ating Hesus Maestro. Malalim ang pinaghuhugutan Niya. Sinabi Niya, na ang lahat ng Kanyang ikinikilos at sinasabi, hugot mula sa Ama. Hindi ang sariling kalooban ang sinusunod Niya, kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa Kanya. Sabi nga sa Katesismo,
inseparable sila “in what they are and what they do”. Ikaw, kapanalig, ano ang iyong mga hugot? At kanino ito naka-angkla? Sabi sa isang hugot line: “Ang luha parang pawis, hindi man galing sa mata pero parehong tumutulo kapag pagod ka
na.” Grabe ang hugot, di ba? Humuhugot ito sa diwa ng pagsasakripisyo at pagdurusa. Besides, kahit may hirap, kung para naman sa kabutihan ng lahat, pagbubutihin natin ang pagsusumikap. Lumuha rin naman ang ating Panginoon
noong namuhay Siya sa atin dito sa lupa. Lalo na sa mga matitigas ang kalooban, at binabalewala ang mga concern Niya na ibalik tayo sa Diyos Ama. Naramdaman din Niya ang spiritual emptiness hanggang inihabilin Niya ang Kanyang kaluluwa
sa Ama. At dahil malalim ang pinaghuhugutan ng ating Hesus Maestro sa Diyos Ama, ibinalik sa Kanya ng Ama ang maluwalhating Buhay. Kapanalig, kung sakaling
ang huni ng ating kalooban ay maging tulad ng tunog ng patay na kabibe; kung sakaling nadidisconnect na tayo sa ating mga mahal sa buhay, at lalo pa sa ating sarili; kung nauubusan na tayo ng lakas at ramdam natin ang spiritual emptiness at wala na tayong makapa na support system, bumaling tayo sa bukal ng
lahat ng pinaghuhugutan. Siya ang ating Hesus Maestro na kaisa ng Diyos Ama. Isang hugot lang, pupunan na Niya tayo ng tunay na Buhay.