
Sign up to save your podcasts
Or


Mabuting Balita | Marso 30, 2022
Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: JUAN 5:17-30
Sumagot si Hesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kaya lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Hesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ang Anak ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat Anak siya ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
PAGNINILAY:
Iisa ang Ama at ang Anak. Kung ano ang kaloob ng Ama, ito rin ang kaloob ng Anak. Tumatalima si Hesus sa kalooban ng Diyos. Bagama’t taglay ni Hesus ang pagiging Diyos, iginagalang din Niya ang likas na handog sa Kanya ng Ama bilang Tao. Hindi Siya gumagawa ng ayon lang sa Kanya, kundi palaging ayon sa kalooban ng Ama. Maging ang Kanyang paghihirap, pagpapakasakit at pakmatay sa krus, bahagi ito sa planong pagliligtas ng Ama. Iginuhit ito ng Diyos Ama bago pa sumailalim si Hesus na maging tulad natin. Ganun nga tayo kamahal ng Ama! Hindi Niya ipinagkait na mag-alay ng buhay ang pinakamamahal na Anak para sa ating kaligtasan. Bilang tugon, paano naman natin maipapakita o maipaparamdam sa Diyos ang ating pagmamahal sa Kanya? Nakahanda ba tayong sundin ang kanyang kalooban? Handa rin ba tayong magbuwis ng buhay para sa Diyos at sa ating kapuwa?
- Sr. Amelyne Paglinawan, fsp | Daughters of St. Paul
PANALANGIN: Makapagyarihang Diyos, nawa’y matutuhan naming sundin ang iyong kalooban at maluwag naming tanggapin ang ano mang ipagkakaloob mo sa amin, sa pamamagitan ni Kristo. Amen.
Mabuting Balita | Marso 29, 2022
Martes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: JUAN 5:1-16
Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.
PAGNINILAY:
Nagtanong si Jesus, Nais mo bang gumaling? Natagpuan ni Jesus ang lalaking tatlumpu’t walong taong naghihirap bilang lumpo. Matagal nang naghintay na may bumuhat sa kanya sa tubig kapag kumalawkaw na. Alam ni Jesus ang sitwasyon ng lumpo, at ang nilalaman ng kaibuturan ng kanyang puso. Kaya si Jesus ang gumawa ng paraan at nagtanong,” Nais mo bang gumaling?” Dumating na ang matagal na niyang hinihintay. Uhaw na gumaling. Ngayon tinatanggap na niya ang lunas na mula sa Diyos. Hindi na niya kailangang maghintay pa na gumalaw ang tubig. Hindi na rin niya kailangan na dalhin siya doon. Si Jesus na ang buhay na Tubig na nagpapagaling. Si Jesus ang Tubig na lumalapit sa atin. Pakinggan natin ang kanyang Salita ng Buhay. (Stand-up, take up your mat and walk!) Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”
- Sr. Amelyne Paglinawan, fsp | Daughters of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 28, 2022
Lunes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: JUAN 4:43-54
Umalis si Hesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Hesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Hesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong s’ya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya’t sinabi ni Hesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Hesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Hesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Hesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Hesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
PAGNINILAY:
Naghanap ng kababalaghan at tanda. Kaya sinumbatan sila ni Hesus. Ano pa nga ang inaasahan nila? Ganunpaman, patuloy na nagpagaling si Hesus sa may karamdaman sa kapangyarihan ng Kanyang Salita. ito ng kanyang malaking malasakit sa mga may malulubhang sakit. Kalakip ng tagpong ito, nang may pinuno ng pamahalaan sa Capernaum na dinayo si Hesus sa Galilea. Hiniling niya na sumama si Hesus sa Kanya para pagalingin ang kanyang anak. Pero, sa halip na sumama si Hesus, nagbigkas Siya na “Umuwi na kayo. Magaling na ang inyong anak.” Naniwala ang opisyal. Kaya, habang papauwi, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Kamangha-mangha! Kapanalig (kapatid) hanggang saan ang pananalig natin sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos? Kung may dinaramdam ka ngayon, dahil may na-diagnose ang doctor mula sa humihina mong kalusugan, o ano mang naging positive result na kailangan mo ng lunas, narito si Hesus. Kaya Niyang lupigin ang ano mang karamdaman. Magtiwala. Magpasya na tanggapin si Jesus na Siyang tunay na Nagpapagaling. Jesus is the Greatest Miracle of the universe! Pinapagaling Niya tayo hindi lang sa ating pisikal na karamdaman, kundi sa ating humihinang kalooban. Lumapit tayo kay Jesus nang may kababaang loob upang bigyan Niya tayo ng sapat na biyaya na higit nating kinakailangan. Ano mang hirap, sa panahon ni Hesus kamangha-mangha ang magaganap. - Sr. Amelyne Paglinawan, FSP | Daughters of St Paul
Mabuting Balita | Marso 27, 2022
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: LUCAS 15:1-3,11-32
Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: 'Itay, ibigay n'yo na sa akin ang parte ko sa mana.' At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: 'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: 'Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: 'Madali, dalhin n'yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya. ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan. Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, 'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.'”
PAGNINILAY:
Kahanga-hanga ang ginawang paghingi ng tawad ng bunsong anak. Oo, malaki ang naging kasalanan niya. Maaga niyang kinuha ang mana at nilustay hanggang sa wala nang natira sa bulsa niya. Pero, hindi niya inistima ang pagmamataas. May tatlong kumikinang na susi ang nakapagtulak sa bunso para humingi ng tawad. Ano yon? Una, nang mapag-isip-isip niya ang malaking kawalan ang mapawalay sa ama. Ikalawa, ang desisyon na bumalik sa ama. Ikatlo, ang humingi ng tawad mula sa ama. Ito ang paanyaya sa atin ngayong Kuwaresma na umuulan ng grasya para makapagsisi tayo sa nagawa nating mali. Sa biyayang ito, tangkilikin natin ang oras na tinanggap natin na nagkamali tayo… na nagkasala tayo. Sa mabiyayang sandali nang pagsisisi, doon tayo magdesisyon na iwanan natin ang salá nating ginagawa. At humingi ng tawad sa Diyos. Tumanggap ng Sakramento ng Pakikipagkasundo.
Mabuting Balita | Marso 26, 2022
Sabado sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: LUCAS 18: 9-14
Sinabi ni Hesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: 'O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.' Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing 'O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.' Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY:
Ano ba ang laman ng iyong dasal? Ang panalangin ay isang paraan ng komunikasyon natin sa Diyos upang makausap Siya. Sa Mabuting Balita, binigyan tayo ng pagsasalarawan ng ating Panginoong Hesus tungkol sa dalawang magkaibang uri ng taong dumadalangin: Isang panalangin na ang pinupuri ay ang sariling nagawa, at ang isa nama’y tumatangis habang nananalig sa awa at kadakilaan ng Diyos. Sa mga mata noon ng tao, mataas ang pagtingin nila sa mga Pariseo sapagkat sila’y mga guro ng batas. Ang mga maniningil naman ng buwis ay maituturing na “public sinners” kaya naman kilala silang gahaman at mangugulang. Ngunit, sa mga mata ng Diyos, yaong mga umaamin, umaasa, at nananalig sa kanyang awa ang kanyang lubhang kinalulugdan. Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, hindi ba mas natuto tayong manalangin sa Diyos? Di ba mas lumalim ang ating pananampalataya sa kanya? Dahil sa ating mga panalangin, ipinaparamdam sa atin ni Hesus na higit na mahalaga sa kanya ang kalagayan ng ating PUSO, at hindi ang kalagayan natin sa buhay. Tayo ay tinatawag ni Hesus para maging mapagpakumbaba. Kung susuriin natin ang ating mga sarili, ano nga ba ang laman ng ating panalangin? Tayo ba ay tulad ng mga Pariseo na self-righteous, o tulad ba tayo ng tax collectors na makasalan ngunit mapagkumbaba sa paghingi ng tawad sa Diyos? Pagnilayan natin ito.
Word and Songs | Consecration of Russia and Ukraine to the Immaculate Heart of Mary on the Feast of the Annunciation of the Lord
with Sr. Lines Salazar, fsp
The feast of the Annunciation of the Lord commemorates, in the first chapter of Luke’s gospel, the angel Gabriel appearing to the young virgin, Mary to announce that she will bear a son conceived by the Holy Spirit to be named Jesus who will be called Son of the Most High. We are so familiar with this story that perhaps we fail to grasp what truly has taken place. Mary is the first among all human beings to hear of God’s decision to come and dwell among us as one like us. She is greatly troubled by the angel’s greeting but is told not to be afraid. Before the angel’s departure, she moves from fear to acceptance of God’s Word. God’s Word has been spoken and is now within her womb. How wondrous a moment for her and for all humanity. For, on behalf of all of us, Mary, who has found favor with God, welcomes with the faith God incarnate into the world.
The Annunciation, the first of the Joyful Mysteries of the Rosary, should indeed call us to rejoice. For now, as we are starting to recover from the setbacks the pandemic has brought us, the war and Ukraine and Russia broke out, and we can’t help but feel the pain, fear, panic, and uncertainty of the people greatly affected by this war and feel in solidarity with them. We too might be afraid of the effects of this war in the global economy…. and where this war will lead the world in the long run if not resolved immediately. At this time of fear and uncertainty, we must hear the voice, not of an angel, but of the Lord himself who continually calls his disciples not to be afraid for he would always be with them- the Son of the Most High. Mary portrays this most clearly for us. Although surprised by the angel’s announcement, she welcomed and embraced it. Her pregnancy and delivery must have been anything but simple, given the circumstances. Yet she rejoiced in her role as God-bearer, mother of the Savior. Knowing that she was bringing the Son of God into the world, she found the strength not only to tolerate and survive the experience but, in fact, to celebrate it as well.
Our current experience these days can be parallel to Mary’s role. Her life was changed by the message of the angel; our lives are changed too, by circumstances beyond our control – the pandemic, the war in Ukraine & Russia, etc. Mary brought the long-awaited Messiah into the world; we pass on the good news of the Gospel through our living faithfully our Christian lives. So, let us find joy in our prayer, fasting, and almsgiving of Lent in whatever circumstances we find ourselves in as Mary took joy in the announcement of the angel Gabriel. By accepting and welcoming God’s call to repent, change our lives and live in hope, we join her in rejoicing over God’s presence in our world. In our own Lenten observances, we pave the way for the return of our Savior this year and every year.
Mabuting Balita | Marso 25, 2022
Ang Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon
EBANGHELYO: LUCAS 1:26-38
Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria, pag pasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya. “Aba, puspos ka ng biyaya, Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito si Maria ay nagitla. At pinag dili dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanyan ng Anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat nagging kalugod lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; At walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag anak mong si Isabel ay nag lihi ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY:
Kasama sa ating pagiging tao ang paghahanap ng kapanatagan at kasiguraduhan sa buhay. Hindi natin maikakaila na minsan, labis natin itong pinagtutuunan ng pansin. Health supplement dito, life insurance doon, at kung ano-ano pa dahil gusto natin, sure tayo lagi sa ating kinabukasan. Dapat, sure na matutupad ang pangarap natin para sa ating buhay. Marahil si Maria, sure na din sa kanyang personal na pangarap at malamang, inihahanda na niya ang kanyang sarili para sa buhay pag-aasawa. Ngunit iba pala ang pangarap ng Diyos para sa kanya. Siya pala ay hindi lamang basta-basta magiging maybahay at ina; bagkus siya pala ang pinangarap ng Diyos na maging kanyang ina. Sa halip na panghinayangan ni Maria ang kanyang mga pangarap, buong tiwala niyang niyakap ang pangarap ng Diyos dahil Siya na mismo ang kanyang magiging kasiguraduhan at kapanatagan. Ang kanyang mga pangarap ay naging ganap dahil buong puso siyang nakibahagi sa pangarap ng Diyos para sa kanya.
Ngayong panahon ng pandemya, napakadaling mawalan ng kapanatagan dahil sa mga pangarap na hindi natupad o hindi man lamang nayapos. Kailangan natin ang gabay ni Inang Maria upang tayo’y laging maging bukas sa mga surpresa ng Diyos sa atin. Nawa’y sa ating pangangarap at pagsusumikap, mabanaag din nating nagaganap ang mga pangarap ng Diyos para sa atin. Kasama si Maria, atin nawang ipanalangin: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong pangarap, Panginoon.” Amen.
- Cl. Russel Matthew Patolot, SSP | Society of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 24, 2022
Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: LUCAS 11: 14-23
Minsa'y nagpalayas si Hesus ng isang demonyo at ito'y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba't sinasabi n'yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung nasasandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Subalit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
PAGNINILAY:
Nagkakalat. Sa halip na tumulong sa pag-iipon ng Diyos. Likas sa demonyo ang magkalat. Likas sa kanya ang maging salaula. Likas sa kanya ang mang-inis. Ito ang ginagawa niya sa atin kapag nakakagawa tayo ng mabuti, o kapag mataimtim tayong nagdadasal. Ganundin kung handing-handa na tayong maggive up ng gustong-gusto natin bilang pakikiisa sa pagpapakasakit ng ating Panginoon. Ginugulo niya ang spiritual life natin. Pilit niyang ibinubuhol ang pinagsisikapan nating matuwid na lubid sa pagkapit sa Panginoon. Alam ito ng ating Panginoong Hesus. Kung tutuusin, naryan, narito, naroon ang masamang ispiritu. Laging umaaligid. Lagi tayong inaakit. Pero kung mapapaglabanan natin at hindi natin siya papansinin, siya ang maiiinis at magpapakawala. Hindi nga ba templo tayo ng Banal na Espiritu? Bukod sa walang laban ang demonyo sa sa kabanala-banalang presenya ng Diyos, dalisay ang magagawa natin kapag buong tatag nating sabihin: “Ako ang Templo ng Banal na Espiritu, walang laban sa akin ang diyablo.”
- Sr. Gemma Ria dela Cruz, FSP | Daughters of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 23, 2022
Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 5:17-19
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n'yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY:
Bakit mahalaga na tayo ay sumunod sa utos? Dalawang taon na at hanggang ngayon lagi tayong pinapaalalahan ng mga opisyal ng gobyerno at mga doktor na tayo ay sumunod sa batas na kanilang pinapatupad upang maiwasan natin ang malalang sakit dala ng COVID-19. Kung hindi naman ikinakailangan, huwag nang lumabas ng bahay at mag punta sa mga matataong lugar at laging magsuot ng “face mask”. Kaya nang naging kampante tayo, na maraming isinawalang bahala ang mga protocols, biglang dumating si Omicron na hindi tayo handa. Imagine, umabot sa mahigit-kumulang na 37 thousand ang mga cases sa isang araw dito sa ating bansa. Hindi ito biro. Ang lesson? Sumunod sa ipinag-uutos para hindi tayo maging kalunos-lunos. Katulad sa ating Ebanghelyo hindi lang basta nagbigay ng utos ang Diyos, binigyan pa niya ito ng buhay at kaganapan sa pamamagitan ni Hesus. Kaya naman sinasabi na ang lahat ay lilipas, liban sa salita ng Diyos—Si Hesus na salitang nagkatawang tao, kailanma’y ‘di rin lilipas. Sa katunayan ang lahat ng utos, aral at salita ng Diyos ay Pagmamahal. Pagmamahal na patuloy tayong hinuhubog, ginagabayan at pinapanibago tungo sa kabanalan. Pagmamahal na umuunawa sa utos, aral, at salita ng Diyos. Ngayong panahon ng Kuwaresma, sana patuloy tayong magnilay sa mga aral at salita ng Diyos. Hindi tayo susunod dahil takot tayong mabali ang utos niya, sususunod tayo kasi mayroon tayong pagmamahal, na siyang susi natin upang makapiling ang Diyos. Amen.
- Cl. Edward Christian Enebrad, SSP | Daughters of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 22, 2022
Martes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 18: 21-35
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Hesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw: 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapuwa-lingkod ng makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” At idinagdag pa ni Hesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ang bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
PAGNINILAY:
Tinanong ni Pedro si Hesus kung ilang beses dapat siyang magpatawad sa sinumang nagkasala sa kanya, pitong beses po ba? Ani Hesus: “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.” Matapos sumagot si Hesus, isinalaysay niya ang Kuwento ng gahamang lingkod. Matapos siyang pagbigyan ng Hari mula sa kanyang pagkakautang, walang awa siyang naningil sa mga taong nagkakautang sa kanya.
Ang pagiging gahaman, ang kalupitan, at matigas ang loob sa mga taong nagkasala sa atin, ito ang pagpapakita na hindi natin pinapahintulutan ang kagandahang-loob ng Diyos na tumagos nang husto sa ating mga puso. Hindi naman talaga madali ang magpatawad. Pero, kung hindi natin ito gagawin, paano tayo mag-iimprove bilang anak ng Diyos? Kung may listahan lamang ang Diyos ng ating mga pagkakamali, pagkukulang at pagkakautang sa kanya, siguradong hindi natin kailanman ito mababayaran. Kaya nga, inaanyayahan niya tayo na tumulad sa kanyang pagkamaawain, upang maipadama sa mundo, na may pag-asa, pagkahabag, pagkamaawain ang Diyos sa kabila ng lahat. Amen.
- Cl. John Cesar Caalem, SSP | Society of St. Paul
From the publisher's feed