
Sign up to save your podcasts
Or


Mabuting Balita | Marso 12, 2022
Sabado sa Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 5: 43-48
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”
PAGNINILAY:
Ang pagmamahal sa kaaway, ang isa sa mga pinakatampok na katangian ng pagiging anak ng Diyos Ama. Sa ating karanasan, hindi madaling magmahal ng kaaway. Sa sobrang sakit na dulot nila sa atin, halos isumpa natin sila. Nanggigigil na makaganti o may mangyaring masama sa kanila. Tunay na di natin kayang mahalin ang ating kaaway kung ang sarili lang natin ang batayan. Kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Panginoon para magawa natin ito. Di ba, pantay-pantay ang pagturing sa atin ng ating Panginoon? Pinasisikat Niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di makatarungan. Kaya kahit magkaiba man ang usali natin, iisa ang pagtingin ng Diyos sa atin – na tayo’y mahalaga at minamahal Niya. Pero, dahil na rin sa iba’t ibang pamilyang pinanggalingan natin, sa iba’t ibang karanasan ng paghuhubog at kinalakhan natin na environment– nagiging iba-iba rin ang ating pag-uugali. May maunawain, mayroon ding madaling magalit; may mapagbigay, mayroon ding makasarili; may tapat, at mayroon namang sanay mandaya. May mapagpatawad at mayroong mapagtanim ng sama ng loob. Pansinin natin ang mga taong palaaway at mahilig man-intriga ng kapwa. Malamang lumaki sila sa pamilyang laging nag-aaway, mapanghusga sa kapwa, at hindi nakaranas ng pagmamahal sa pamilya. Lumaki silang sugatan ang puso, kaya gusto rin nilang iparanas sa iba ang sakit na hanggang ngayon taglay nila. Mga kapanalig kapatid, maaaring isa tayo sa mga taong sugatan ang puso dahil sa pamilyang pinanggalingan natin. Di na natin mababago ang nakaraan natin. Pero may pag-asa pang baguhin ang epekto nito sa buhay natin ngayon sa tulong ng Panginoong Jesus.
- Sr. Lyn Lagasca, FSP | Daughters of St. Paul
Word and Songs | LENTEN PRACTICES GOAL: Spiritual Transformation & Ongoing Conversion
with Sr. Lines Salazar, fsp
Conversion is the ultimate goal of why we observe the practices of interior penance of prayer, fasting, and almsgiving during this time of Lent. And one key way we can approach the season of Lent during the pandemic is to return to the basics, to reflect on the importance of the Paschal Mystery – of the passion, death, and resurrection of our Lord Jesus Christ and what does it mean to us in the here and now especially as we continue grappling with the effects of the pandemic in our daily life. So instead of focusing on trivial things like… whether or not we are “fasting correctly” or “sacrificing sufficiently” let’s turn our gaze toward Christ and the Gospel. Let us strive to live out our baptismal vocation through loving words and deeds, and do away with such well-intentioned meticulousness that can actually lead to spiritually destructive thinking and behaviors, which Pope Francis described as “a self-centered and elitist complacency, bereft of true love.”
Mabuting Balita | Marso 11, 2022
Biyernes ng Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 5: 20- 26
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: 'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
PAGNINILAY:
Walang ibang gusto ang mga magulang para sa kanilang mga anak kundi ang magkasundo sila at magmahalan bilang magkakapatid, di ba? Ito rin ang hangad ng Diyos para sa atin na Kanyang mga anak. Hangad Niyang mamuhay tayo sa pagmamahal at laging magpatawaran. Higit pa ito sa donasyon na itinutulong natin sa simbahan. Higit pa sa ating pagsisimba, pagdarasal, pagnonobena at pagrorosaryo ang magpatawad at humingi ng tawad. May effort ito at dala ang sakripisyo na mas higit na kalugod-lugod sa Diyos. Ito ang sukatan ng tunay na kabanalan! Siguro sasabihin nyo, napakahirap naman ng ipinapagawa sa atin ng Diyos. Nasaktan ka na, ikaw pa ang magpapatawad? Kadalasan, gusto nating makaganti. Gustong-gusto nating iparanas sa kanya ang sakit na dinanas natin. Minsan pa nga sa sobrang galit natin naghahangad tayo na may mangyaring masama sa taong ibinibilang na nating kaaway. Mga kapanalig, tunay na hindi natin kayang magpatawad at humingi ng tawad kung aasa lang tayo sa’ting sariling kakayahan. Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu upang magawa natin ito. - Sr. Lyn Lagasca, FSP | Daughters of St. Paul
PANALANGIN:
Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang matuto akong magpatawad at humingi ng tawad sa mga taong nagkasala sa akin. Pawiin Mo po ang poot at galit na umaalipin pa sa aking puso at isip, at hilumin ang sugat ng nakaraan, Amen.
Mabuting Balita | Marso 10, 2022
Huwebes ng Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 7: 7-12
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo'y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n'yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY:
Muling binigyang diin sa Mabuting Balita sa atin ngayon ang kahalagahan ng panalangin, at ang pagiging masigasig sa pananalangin. Totoong nalalaman na ng Diyos ang ating sasabihin bago pa man tayo magdasal – pero, ikinalulugod pa rin Niyang marinig ang ating taos-pusong pagsamo. Sa pamamagitan ng palagiang pagdulog natin sa Diyos sa panalangin, lumalalim ang ating relasyon sa Kanya. Nalalaman natin ang Kanyang kalooban sa tuwing pinagninilayan natin ang Kanyang Salita, at higit sa lahat, tumitibay ang ating pananampalataya para makayanan ang mga dinaranas na pagsubok sa buhay. Sa paglapit natin sa Diyos sa panalangin, huwag puro tayo ang nagsasalita. Maglaan din tayo ng sandali para makinig sa Kanyang sasabihin. Hayaan din natin Siyang mangusap sa kaibuturan ng ating puso. Mga kapanalig, totoong mapagkalinga at mapagmahal ang ating Diyos. Higit pa ito sa pagmamahal at pagpapakasakit ng isang ina o ama ng pamilya. Ang isang ina, mula sa pagdadalantao hanggang sa paglaki ng kanilang anak, buhay niya mismo ang kanyang inilalaan para sa kanyang mga anak. Ganun din ang ama ng tahanan na habambuhay na nagtatrabaho at nagpapakapagod, maitaguyod lang ang pangangailangan ng pamilya. Kusang-loob nilang ginagawa ang lahat ng ito. Hindi bilang puhunan sa inaasahan nilang gantimpalang ibibigay ng kanilang mga anak sa kanilang pagtanda, kundi dala ng kanilang pagmamahal. Kaya ginamit ni Jesus, ang larawan ng isang ama, na halimbawa upang ituro sa atin ang pagiging Ama ng Diyos. Diyos Siyang Ina at Ama nating lahat, at higit pa. - Sr. Lyn Lagasca, FSP | Daughters of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 9, 2022
Miyerkules sa Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: LUCAS 11: 29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa kay Jonas.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, mga kapatid, napapanahon ang mensahe sa atin ng Mabuting Balita ngayon. Hindi kaila sa’tin na marami ang humihingi ng palatandaan hindi lang sa Diyos, kundi, maging sa mga manghuhula. Dahil wala tayong ideya kung ano ang mangyayari sa hinaharap – sumasangguni tayo sa mga manghuhula kung ano ang ating magiging kapalaran. Tuloy, dumadalas na ang pagpapahula natin dahil paniwalang-paniwala tayo sa kanilang nakikitang bukas. Ito ang konteksto kung bakit sinabi ng Panginoon, na masamang lahi ito dahil humihingi ng palatandaan. Ayon sa turo ng Katesismo ng Katolikong Kristiyano bilang 2116: “Lahat ng uri ng panghuhula, dapat itakwil: katulad ng paghingi ng tulong kay satanas, pagtawag sa kaluluwa ng mga namatay na, at iba pang gawaing tulad nito na nanghuhula ng kinabukasan. Kabilang din dito ang pagkonsulta sa horoscope, astrology, palm reading, pag-interpreta ng masamang pangitain o suwerte, at iba pa. Pinabubulaanan ng gawaing ito ang kapurihan, karangalan at banal na takot na tanging sa Diyos lamang natin dapat ilaan.” Mga kapanalig, hawak ng Diyos ang ating buhay, maging ang ating kapalaran at kinabukasan. Siyang may likha sa atin ang may ganap na kontrol sa ating buhay at nalalaman Niya kung ano ang makabubuti sa atin. Kaya sa Kanya natin ibigay ang ating lubos na pagtitiwala at pag-asa, at huwag sa mga manghuhula. Hula nga eh, malamang na hindi totoo. Sr. Lyn Lagasca, FSP | Daughters of St. Paul
PANALANGIN:
Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong nagkulang ako ng pagtitiwala Sa’yo at himingi din ng tanda mula sa iba. Matanto ko nawa na Kayo po ang Salita ng Diyos, ang tanda ng buhay na presensya ng Diyos. Amen.
Mabuting Balita | Marso 8, 2022
Martes sa Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 6: 7-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, mga kapatid, ang panalanging itinuro ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad, pagpapahayag ito ng pag-ampon ng Diyos sa lahat bilang Kanyang mga anak. Ipinakilala din dito ng Panginoon, ang Ama na puno ng pagmamahal, maunawain, at mahabagin sa mga nananampalataya sa Kanya. Isa Siyang Ama na alam ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak, mapagpatawad, at nagnanais na maging ganap at wasto ang pakikipag-ugnayan sa bawat isa. Buong pusong tinangkilik ng mga alagad ni Jesus ang panalangin, dahil bukod sa kabuuan ito ng kanilang pang-araw-araw na kahilingan, nakita nila mismo sa pagkatao ni Jesus ang katangian ng Diyos Ama. Mga kapanalig, ngayong panahon ng Kuwaresma, habang taimtim tayong nananalangin, panibaguhin natin ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Diyos Ama. Patunayan natin na karapatdapat tayong mga anak sa isip, sa salita at sa gawa. Mithiin din natin na lalong lumalim ang ating pananampalataya sa Kanya at lalong maging maalab at maging kaaya-aya ang pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kapatid sa pananampalataya. Hilingin din natin ang biyayang matuto tayong magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin, nang tayo din naman Kanyang patawarin sa ating mga kasalanan. – Sr. Lyn Lagasca, FSP | Daughters of St. Paul
PANALANGIN:
Panginoon, hangad ko pong lumalim ang aking pananampalataya at pagkakakilala Sa’yo. Turuan Mo po akong dasalin ang panalangin na Ama Namin nang taimtim at nagmumula sa puso. Inaangkin ko po ang bawat kataga ng dasal na ito. Panginoon, dinggin Mo po ang aking taos-pusong pagsamo. Amen.
Mabuting Balita | Marso 7, 2022
Lunes sa Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: MATEO 25:31 - 46 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako. Nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.' At itatanong sa kanya ng mabubuti; 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.' Kaya itatanong din nila: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.' At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.” Si Cleric Buen ng Society of Saint Paul, nagkuwento siya. Noon daw nagtuturo pa siya, pinalad daw siyang maging Pastoral Minister o outreach coordinator ng kanilang school. Isang umaga, may exchange student na mula sa ibang bansa na lumapit sa kanya habang nagdarasal siya sa loob ng Chapel. Tinanong siya: “Sir, bakit ka nagdadasal sa isang taong nakapako sa Krus?” Naunawaan niya ang pinanggagalingan ng foreigner student. Dahil unang beses itong makapasok sa isang katolikong simbahan. Napangiti raw siya. Nasabi niya sa kanyang sarili, “pagkakataon ko na ito para maipakilala si Hesus sa kanya”. At ginawa nga niyang ipaliwanag ang pananampalatayang Kristiyano sa simpleng paraan. Sa paano man, naunawaan naman ng istudyante kung sino ang nakapako sa Krus. Si Hesus, ang Anak ng Diyos. Ang kuwento pa nga niya, pareho silang masaya na nag-part ways. May pag-asa raw kay Cleric Buen na simula iyon ng pagtuklas ng kanyang bagong mag-aaral kung sino si Hesus. Kaya, mula sa unang pagtatanong, nasundan pa ang kanilang mga pag-uusap tungol kay Hesus. Nasabi pa raw niya na hindi lang sa Krus nakikita si Hesus. Inanyayahan niya rin siyang makita si Hesus sa mukha ng kanyang mga kaibigan. Ganundin ang mukha ni Kristo sa kapaligiran. Nagkaroon din siya ng chance na isama ang istudyante sa isang pagtuturo sa mga batang lansangan, at sa malapit sa dagat. May pagkakataon din na isinama niya siya sa isang bahay-ampunan. Sumama rin siya sa isang tahanan para sa mga matatanda. Nagkaroon din sila ng pakikipag-usap sa mga nasa bilangguan at gayun din sa mga may sakit sa ospital. Sa lahat ng ito, sa lahat sa kanila, naroon si Hesus. Nababakas ang mukha ni Hesus. Higit pa sa larawang nakapako siya sa Krus. Makalipas ang dalawang linggo, nagkita muli sila. “Sir, Salamat
Mabuting Balita | Marso 6, 2022
Unang Linggo ng Kuwaresma
EBANGHELYO: LUCAS 4: 1-13
Si Hesus na puspos ng Espiritu Santo ay umalis sa Jordan. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at doon namalagi sa loob ng apat napong araw na tinutukso ng diyablo. Sa loob ng panahong yaon ay hindi siya kumain kaya siya ay nagutom, winika sa kanya ng diyablo “Kung ikaw ang anak ng Diyos, iuutos mo na maging tinapay ang batong ito”. Subalit sinagot siya ni Hesus “Nakasulat hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao” at dinala siya ng diyablo sa isang mataas na pook. Ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng kaharian sa daigdig. At sinabi sa kanya “Ha ha ha, ibibigay ko sayo ang buong kapangyarihan at karangalan ng mga kahariang ito na pinagkaloob na sa akin at maibigay ko sa kaninong ibig. Kayat kong sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo. Ngunit sinagot siya ni Hesus “Nasusulat ang Panginoon iyong Diyos ay sasambahin at siya lamang ang iyong paglilingkuran. Dinala siya pagkatapos sa Jerusalem at pag kalagay sa kanya sa tuktok ng Templo ay winika sa kanya, “Kung ikaw ang anak ng Diyos mag patihulog ka rito, sapagkat nasusulat ipag bibilin ka niya sa kanyang mga angel upang ingatan ka nila at dadalhin ka nila sa kanilang mga kamay ng di matitisod sa bato ang iyong mga paa”. Ngunit sinagot siya ni Hesus. Sinasabi na wag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos, pagkatuksu sa kanya sa iba’t ibang paraan ay iniwan siya ng diyablo na nag hihintay ng isang magandang pagkakataon.
PAGNINILAY:
Hanggang kailan natin nakakayanan ang tukso? Hanggang ano’ng pagkakataon natin na masasabi sa pang-aakit na gumawa ng masama na “Ayoko, hindi ito tama.” O maraming beses, nagbabargain tayo sa Diyos, ibalato mo muna sa akin ito, Lord. Ngayon lang naman. O kaya kapag stressed na tayo sa trabaho o kaka-solve ng problema, bibigay na tayo sa kinang ng tukso dahil wala na tayong powers na paglabanan pa. Totoo ang kasabihan na wala nang panggagalingan pa ang tukso kundi mula sa demonyong tuso. Ang ibig niya, masanay tayong gumawa ng masama. Ang plano niya, malulong tayo sa pagkakasala. Ito ang istratehiya niya para nakawin tayo sa Panginoon. Ngayong panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo na Manahan sa ilang. Sa lugar na doon madali tayong mauuhaw, madali tayong magugutom, sandal lang mapapagod tayo. Pwedeng pumutok ang balat natin o matuyo dahil sa tindi ng init. Ito ang pagkakataon na binabawasan natin ang pagkain na masasarap. Iniiwan natin ang asal na madaling magalit, madaling mag-marites-maritesan dahil masaya ang pag-usapan ang kahinaan ng iba. Idisregard na muna natin ang sobrang paghahapi-hapi. Kundi, sa halip ibigay natin sa mga nagugutom, sa mga street children. Tinatanggal na muna natin ang malambot na kutson sa kama, para mag-uwi ng ulilang bata galing sa bahay-ampunan. Kahit sa buong 40 days, ibahay at iparamdam sa bata ang saya. Isama rin ang bata sa family prayers at hayaang makita niya ang mukha ni Hesus sa iyo. Sa diwang ito, lalong lalakas ang ating spiritual muscles at mapagtagumpayan ang tukso sa tulong at pagmamahal ng ating Mahal na Hesus Maestro.
- Sr. Gemmaria dela Crus, FSP | Daughters of St. Paul
Mabuting Balita | Marso 5, 2022
Sabado Kasunod ng Miyerkules ng Abo
EBANGHELYO: LUCAS 5:27-32
Nakita ni Hesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito'y pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Hesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot naman si Hesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.
PAGNINILAY:
Kailan ka huling nagpatingin sa isang doctor?
Marami sa ating mga kababayan ang natatakot pumunta o kumonsulta sa mga doktor dahil na rin sa iba’t ibang mga kadahilanan. Minsan dala ng kahirapan, ang iba naman nangangamba na malaman o ayaw marinig ang nakakatakot na katotohanan. Mala- teleserye pa nga ang tagpo ng iba na ayaw magpatingin sa mahabang panahon tapos ma-da-diagnose na malubha na pala ang sakit nila at wala nang lunas. Pero, tandaan, hindi teleserye ang buhay. Hindi lang ito napapanood kundi tunay na nagaganap. Walang dapat ikatakot sa pagkonsulta sa ating mga manggagamot. Tungkulin nating pangalagaan ang ating mga sarili, di ba? Tungkulin rin ng mga doktor na tulungan at gabayan tayo para sa ating ikabubuti. Dahil sa pandemya, kitang-kita natin ang napakalaking tulong at serbisyo na ginagawa ng ating mga manggagamot kasama ang mga nurses at health care workers. Masasabi nating, bayani rin sila ng ating bayan at ng buhay. Hindi matatawaran ang kanilang ginagawang pagsasakripisyo sa ngalan ng tapat na paglilingkod para sa mga may karamdaman, lalo na sa mga nagkasakit ng Covid. Si Hesus ang dakilang manggagamot ng ating buhay. Higit pa sa kahit na anong karamdaman ang kanyang pinagagaling sa atin. Siya na mismo ang lumalapit sa atin dala ang kapatawaran mula sa ating mga kasalanan. Sa panahong ito ng kuwaresma, muling ipinapa-alala sa atin na kumonsulta sa ating Dakilang Manggagamot. Lumapit tayo at magbalik-loob sa Diyos habang may panahon pa. Huwag na nating hintayin na malubha na pala at huli na ang lahat.
- Cl. Buen Andrew Cruz, SSP | Society of St. Paul
From the publisher's feed