Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako. Nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.' At itatanong sa kanya ng mabubuti; 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.' Kaya itatanong din nila: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.' At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Ginugunita natin ngayon ang Araw ng mga Kaluluwa. Bagamat kaugnay nito ang pagdiriwang ng Undas o Araw ng Lahat ng mga Santo (Todos los Santos), madalas mayroon tayong pagkalito hinggil sa dalawang araw na ito, kung kaya’t mas dumadalaw tayo sa sementeryo sa unang araw ng Nobyembre kaysa sa ikalawang araw. Ano ang kanilang pagkakatulad? Ano ang kanilang pagkakaiba? Magkatulad sila dahil pareho nilang ginugunita ang mga taong pumanaw na, mga taong yumao na. Magkaiba naman sila dahil inaalala natin sa Undas ‘yung mga taong pumanaw na nasa langit na, silang mga namamayapa na sa piling ng Diyos sa langit—tinatawag natin silang mga Santo o Banal; sa kabilang banda, inaalala natin sa Araw ng mga Kaluluwa ‘yung mga taong pumanaw na nasa Purgatoryo pa—sila ang mga taong sumakabilang-buhay sa grasya ng Diyos pero nangangailangan pa ng ibayong pagpapadalisay o paglilinis upang sa wakas ay makapasok rin sa tahanan ng Ama. Matutulungan natin sila sa pamamagitan ng ating mga panalangin at pag-alala, sa pag-asang balang araw ay magkakasama-sama tayong lahat sa langit kapiling ng Diyos. Doon ay wala nang pagdurusa at kamatayan. Hindi na tayo mawawalay kailanman sa isa’t isa kundi magiging isang malaking pamilya, isang komunidad nang walang hanggang pag-ibig. Doon tayo lahat hahantong, kung dito pa lamang sa lupa ay mamahalin na natin ang bawat isa. Tulad nga ng sinabi sa Mabuting Balita natin sa araw na ito mula kay San Mateo: Anuman ang gawin natin sa ating kapwa dito sa daigdig, lalo na sa mga aba, ay siyang ginawa na rin natin sa Diyos, at ito’y bubukal hanggang sa buhay na walang hanggan. - Fr. Khris Emmanuel Llacer, SSP | Society of St. Paul