Mabuting Balita l Nobyembre 1, 2023 – Miyerkules l Ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok.Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang may busilak na
puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.
Wala pa sa atin ang nakakapunta sa langit. Pero marahil, iyon ang hinahangad nating makamit, pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo – ang makapiling ang Diyos sa buhay na walang hanggan, kasama ang mga anghel sa Kalangitan at ang kalipunan
ng mga banal, ang mga santo at santa na pinararangalan natin ngayon. Kasama sa kalipunan ng mga banal ang mga taong kilala natin – ang ating mga mahal sa buhay, mga kamag-anak, kaibigan at kakilala, na bagamat hindi opisyal na deneklarang santo at santa ng Simbahan - namuhay sa kabanalan at pagmamahal, at
naging saksi ng paghahari ng Diyos dito sa lupa habang sila’y nabubuhay pa. Natitiyak kong tinatamasa na nila ang gantimpalang buhay na walang hanggan na iginagawad ng Diyos sa mga matapat niyang anak. Malamang sinabi sa kanila ng
Diyos: “Well done, my good and faithful servant, come and share your master’s joy.” Ang Mabuting Balita tungkol sa Mapapalad ay masasabi nating blueprint kung paano mamuhay sa kabanalan. Mapapalad ang mga tumatangis, ang mapagkumbaba, ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan, ang mga mahabagin,
ang nagsusulong ng kapayapaan, at ang mga inuusig. Sa mata ng tao sila’y mga dukha at kaawa-awa. Pero, sa mata ng Diyos, sila ang tunay na mapapalad. Marahil itatanong nyo, saan humuhugot ng lakas ang mga banal sa gitna ng mga kabalintunaang nararanasan sa buhay? Tanging sa Diyos! Dahil ang Diyos at ang Kanyang kaharian ang tanging yamang pinagsikapan nilang makamit habang nabubuhay pa sa mundo. Kaya, sa kabila ng mga hirap at pasakit na kanilang pinagdaanan, nanatili silang tapat sa Diyos at kumakapit sa Kanyang awa at habag. Hindi sila nawawalan ng pag-asa, kahit nadadapa at nagkakasala, dahil nananalig sila sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Mga kapanalig, ‘yan din ang panawagan sa atin habang tayo’y nabubuhay – ang mamuhay sa kabanalan. Yan ang purpose natin dito sa mundo ang magbibigay ng katuturan kung bakit tayo
nilikha ng Diyos. Malaki ang potential nating maging banal dahil nilikha tayo ng Diyos na likas na mabuti. Nilikha niya tayo na Kanyang kawangis. Ang katotohanang ito nawa ang ating balik-balikan sa tuwing nalulugmok tayo sa kawalan ng pag-asa, dahil sa ating kasalanan. Ulit-ulitin nating parang mantra na “mahal na mahal ako ng Diyos” ... hindi Niya ipinagkait ang pinakamamahal na Anak na mag-alay ng buhay para sa akin. Mga kapanalig, ang mga banal na pinararangalan natin ngayon ay hindi mga perpektong nilalang na hindi nagkasala. Ang totoo, marami sa
kanila ang makasalanan, katulad natin pero, binago sila ng grasya ng Diyos. Nakipagtulungan sila sa grasya ng Diyos upang matunton ang daan pabalik sa Kanyang pagmamahal. At nang magdesisyon silang magbagong buhay at sumunod sa Panginoon naging saksi sila ng Mabuting Balita sa salita at gawa. Ikaw, ako,
tayong lahat ay nilikha ng Diyos para sa kabanalan.
- Sr. Lines Salazar, fsp l Daughters of St. Paul