Solid Joys Devotionals (Tagalog)

Solid Joys Devotionals (Tagalog)

By Driven By The GospelReligion & SpiritualityChristianity
Download on the App Store

Solid Joys Devotionals (Tagalog) episodes

  • Ang Satisfaction na Tumatalo sa Kasalanan

    Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. (Juan 6:35)

    Ang kailangan nating makita ay ito: Ang esensya ng pananampalataya ay pagiging satisfied sa kung sino para sa atin ang Diyos nang dahil kay Cristo.

    Ang pagbibigay-kahulugan sa pananampalataya sa ganitong paraan ay nagbibigay-diin sa dalawang bagay. Una, ang naka-sentro sa Diyos na pananampalataya. Hindi lamang ang mga pangako ng Diyos ang nagbibigay kasapatan sa atin. Ito ay kung Sino para sa atin ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Niyayakap ng pananampalataya ang Diyos kay Cristo bilang ating kayamanan — hindi lang ang mga pinangakong regalo ng Diyos.

    Nilalagay ng pananampalataya ang kanyang pag-asa hindi lamang sa real estate ng darating na panahon, kundi sa katotohanang naroon ang Diyos (Pahayag 21:3). “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, ‘Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila.’”

    Kahit ngayon, buong-buo ang pagtanggap ng pananampalataya hindi lamang sa katotohanan ng mga napatawad na kasalanan (gaano man ito kahalaga), kundi ang presensya ng buhay na Cristo sa ating mga puso at ang kapunuan mismo ng Diyos. Sa Efeso 3:17–19, pinanalangin ni Pablo na “manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig . . . at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.”

    Ang isa pang binibigyang-diin sa pagbibigay ng kahulugan sa pananampalataya bilang pagiging satisfied sa kung sino para sa atin ang Diyos nang dahil kay Cristo ay ang salitang “satisfaction.” Ang pananampalataya ay ang pagpawi ng uhaw ng kaluluwa sa bukal ng Diyos. Sa Juan 6:35, makikita natin na ang “paniniwala” ay “paglapit” kay Jesus upang kainin at inumin ang “tinapay ng buhay” at “tubig na buhay” (Juan 4:10,14), na walang iba kundi si Jesus mismo.

    Heto ang sikreto ng kapangyarihan ng pananampalataya na wasakin ang pang-aalipin ng kasalanan. Kung ang puso ay satisfied sa kung sino para sa atin ang Diyos nang dahil kay Cristo, nawawasak ang kapangyarihan ng kasalanan na ilayo tayo sa karunungan ng Diyos.

    5 min
  • Gaano Tayong Gustong Pagpalain ng Diyos

    “Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo.” (Deuteronomio 30:9)

    Hindi naiinis ang Diyos kapag binibigyan Niya tayo ng pagpapala. May kasabikan ang kabutihan ng Diyos. Hindi Niya tayo hinihintay na lumapit sa Kanya. Hinahanap Niya tayo, dahil nagagalak Siyang gumawa ng mabuti para sa atin. Hindi tayo hinihintay ng Diyos; sinusundan Niya tayo. Ito ang literal na salin ng Mga Awit 23:6 (ABTAG2001), “Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay.”

    Gustong-gusto ng Diyos na magpakita ng awa. Uulitin ko: Gustong-gusto ng Diyos na magpakita ng awa. Hindi Siya nag-aatubili o urong-sulong o pansamantala lang sa Kanyang pagnanais na gumawa ng kabutihan para sa Kanyang mga anak. Matibay ang kandado ng Kanyang galit, ngunit gabuhok lang ang harang sa Kanyang habag. Ito ang Kanyang ibig sabihin nang bumaba Siya mula Mount Sinai at sinabi kay Moises, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat” (Exodo 34:6). Ito ang Kanyang ibig sabihin nang sinabi Niya sa Jeremias 9:24, “Ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

    Hindi bugnutin ang Diyos. Hindi Siya madaling magalit. Sa halip, masigasig at walang katapusan ang Kanyang sigla sa pagtupad ng mga nagpapaligaya sa Kanya.

    Mahirap para sa atin na maunawaan ito dahil kailangan nating matulog gabi-gabi para lamang kayanin at maging matagumpay sa mga bagay-bagay. Taas-baba ang ating mga emosyon. Nabo-bored tayo at nadi-discourage isang araw at nakakaramdam naman ng pag-asa at excitement sa susunod.

    Para tayong maliliit na bukal na bumubula-bula lang. Ngunit ang Diyos ay tulad ng Pagsanjan Falls — tingnan ang tone-toneladang tubig na umaagos mula sa tuktok nito kada minuto, at isipin: Siguradong hindi ito puwedeng magpatuloy sa pag-agos nang ganito kalakas taon-taon. Pero nagpapatuloy lang ito.

    Ito ang paraan ng paggawa ng kabutihan ng Diyos sa atin. Hindi Siya napapagod. Hindi ito nakakabagot para sa Kanya. Walang katapusan ang Pagsanjan Falls ng Kanyang biyaya.

    5 min
  • Nabubuhay Tayo sa Pananampalataya

    Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. (Galacia 2:20, ASND)

    Tugmang-tugma ang pananampalataya sa future grace ng Diyos. Naaayon ito sa kalayaan at kasarinlan ng biyaya. At itinuturo nito ang maluwalhating katapatan ng Diyos.

    Isa sa mahahalagang implikasyon ng konklusyong ito ay ito: Magkaiba ang pananampalatayang nagbibigay-katwiran (justification) at ang pananampalatayang nagpapabanal (sanctification). Ang ibig sabihin ng “sanctify” ay magpakabanal o maging katulad ni Cristo. Ito’y sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.

    Kung gayon, ito’y sa pamamagitan din ng pananampalataya. Dahil ang pananampalataya ay isang pagkilos ng kaluluwa na konektado sa biyaya, at tinatanggap ito, at ginagamit na kapangyarihan ng pagsunod, at binabantayan na hindi mawala ang biyaya dahil sa pagmamayabang ng tao.

    Malinaw na iniugnay ni Pablo ang pananampalataya at sanctification sa Galacia 2:20 (“Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya”). Ang sanctification ay sa pamamagitan ng Espiritu at ng pananampalataya. Isa itong paraan ng pagsasabi na ito’y sa pamamagitan ng biyaya at pananampalataya. Ang Espiritu ay “mapagpalang Espiritu” (Hebreo 10:29).  Ang paraan ng Diyos upang tayong maging banal ay sa pamamagitan ng Espiritu, ngunit ang Espiritu ay kumikilos sa pamamagitan ng pananampalataya sa ebanghelyo.

    Simple lang ang dahilan kung bakit ang pananampalatayang nagbibigay-katwiran at pananampalatayang nagpapabanal ay pareho lang: Pareho silang gawain na tumutugon sa biyaya. Ang justification at sanctification ay hindi parehong uri ng gawain (ang justification ay pagbibitiw ng kabanalan; ang sanctification ay pagbabahagi ng kabanalan), ngunit pareho silang gawain ng biyaya. Ang sanctification at justification ay “biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya” (Juan 1:16, ABTAG2001).

    Ang natural na tugon ng tao sa walang-bayad na biyaya ng Diyos ay pananampalataya. Kung ang justification at sanctification ay parehong gawain ng biyaya, natural lang na pareho silang sa pamamagitan ng pananampalataya.

    4 min
  • Ang Makakamit sa Paglilingkod sa Diyos

    Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa. (2 Cronica 12:8)

    Ibang-iba ang paglilingkod sa Diyos kumpara sa paglilingkod sa ibang tao.

    Talagang nais ng Diyos na maunawaan at ma-enjoy natin ito. Halimbawa, utos niya, “Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon” (Awit 100:2, ASND). May dahilan para sa kagalakang ito. Sabi sa Mga Gawa 17:25, “Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan.”

    Pinaglilingkuran natin Siya nang may kagalakan dahil hindi natin pasanin ang pagtugon sa Kanyang mga pangangailangan. Wala kailangan ang Diyos. Ibig sabihin, hindi natin matutugunan ang Kanyang pangangailangan sa pamamagitan ng paglililingkod sa Kanya. Sa halip ay nagdiriwang tayo sa paglilingkod dahil tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan. Ang paglilingkod sa Diyos ay pagtanggap ng biyaya mula sa Kanya para magawa natin ang kailangan nating gawin.

    Upang ipakita kung paano nagseselos ang Diyos para sa atin at makita ang kaluwalhatian nito, mayroong kuwento sa 2 Cronica 12. Pinili ni Rehoboam, ang anak ni Solomon na naghari sa southern kingdom matapos ang pag-aalsa ng sampung lipi, na huwag paglingkuran ang Panginoon. Sa halip ay pinaglingkuran niya ang ibang diyos-diyosan at mga kaharian.

    Bilang parusa, pinadala ng Diyos si Shishak, ang hari ng Ehipto, laban kay Rehoboam, dala ang 1,200 karwahe at 60,000 mangangabayo (2 Cronica 12:2–3).

    Sa Kanyang habag, pinadala ng Diyos ang propetang Shemaiah kay Rehoboam dala ang mensaheng ito: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak’” (2 Cronica 12:5). Ang magandang resulta ng mensaheng ito ay nagpakumbaba sina Rehoboam at ang kanyang mga prinsipe, humingi ng tawad, at sinabing, “Makatarungan si Yahweh” (2 Cronica 12:6).

    Nang nakita ng Panginoon na nagpakumbaba sila, sinabi Niya, “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak” (2 Cronica 12:7). Ngunit bilang disiplina, sinabi Niya, “Gayunman, sila’y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa” (2 Cronica 12:8).

    Malinaw ang punto rito: Magkaiba ang paglilingkod sa kaaway at sa Diyos. Paano? Ang paglilingkod sa Diyos ay pagtanggap at biyaya at kaligayahan at benepisyo. Ang paglilingkod kay Shishak ay nakakapagod at nakakaubos at malungkot. Nagbibigay ang Diyos. Kumukuha si Shishak.

    Kaya naman mariin kong sinasabi na ang pagsamba tuwing Linggo ng umaga at ang pagsamba sa pamamagitan ng araw-araw na pagsunod ay hindi isang mabigat na pagbibigay sa Diyos, kundi maligayang pagtanggap mula sa Kanya. Ito ang totoong paglilingkod na hinihingi ng Diyos. Sa lahat ng iyong gagawin, magtiwala ka sa Akin bilang tagapagbigay.

    6 min
  • Ang Pundasyon ng Iyong Kasiguruhan

    Kabilang kayo sa mga unang pinili [ng Diyos] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. (2 Tesalonica 2:13)

    Binanggit ng Biblia ang ating eleksyon — ang pagpili ng Diyos sa atin — kay Cristo bago ang pundasyon ng sanlibutan (Efeso 1:4), bago pa tayo makagawa ng anumang mabuti o masama (Roma 9:11). Samakatuwid, ang ating eleksyon ay unconditional sa pinakadalisay na kahulugan. Hindi rin batayan ang ating pananampalataya o ang ating pagsunod para rito. Ito’y walang bayad at hindi nararapat sa atin.

    Sa kabilang banda, maraming talata sa Biblia ang nagbabanggit ng ating panghuling kaligtasan (taliwas sa ating eleksyon ng eternity past) bilang conditional, batay sa isang nabagong puso at buhay. Kaya ang tanong ngayon ay, Paano ko masisiguro na ako’y magpapatuloy sa pananampalataya at kabanalang kailangan upang magmana ng buhay na walang hanggan?

    Ang sagot ay nakaugat ang ating kasiguraduhan sa ating eleksyon. Sabi ng 2 Pedro 1:10,  “Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod.” Ang divine election ay pundasyon ng pagiging committed ng Diyos na iligtas ako. Kung gayon, Siya’y kikilos sa akin sa pamamagitan ng biyaya ng pagpapabanal, upang ituloy ang anumang sinimulan ng Kanyang mapagbiyayang pagpili sa akin.

    Ito ang kahulugan ng bagong covenant. Lahat ng naniniwala kay Jesus ay siguradong benepisyaryo ng bagong covenant, dahil sinabi ni Jesus sa Lucas 22:20, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo.” Kung baga, sinigurado ng aking dugo ang bagong covenant ng lahat ng nasa akin.

    Sa bagong covenant, hindi lang basta nag-uutos ng pagsunod ang Diyos; binibigay Niya ito. “Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal” (Deuteronomio 30:6). “Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos” (Ezekiel 36:27; cf. 11:20). Ito ang mga pangako ng bagong covenant.

    Ang eleksyon ay ang panghabang-buhay na commitment ng Diyos na gawin ito para sa Kanyang mga anak. Kaya naman sinisigurado ng eleksyon na ang mga pinawalang-sala ng Diyos ay Kanyang babahaginan ng Kanyang kaluwalhatian (Roma 8:30). Ibig sabihin, hindi Siya titigil sa pagkilos sa atin upang makamit natin ang lahat ng kondisyon para sa kaluwalhatian.

    Ang eleksyon ang huling saligan ng kasiguraduhan. Dahil nag-commit ang Diyos na iligtas tayo, nag-commit din Siya na itaguyod ang lahat ng kailangan para sa kaligtasan natin.

    5 min
  • Limang Digital na Panganib

    Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito. (Roma 13:14) Hindi nabubuhay ang mga Cristiano na parang mga dikya, palutang-lutang lang sa mga alon ng kasalukuyang kultura. Nabubuhay tayo ayon sa kapangyarihan ng Espiritu at nahahanap natin ang ating dadaanan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Lumalangoy tayo — tulad ng dolphin, hindi ng dikya. Bahagi ng ating course setting at kapangyarihan nito ay maipapahayag sa maingat na pakikipag-ugnayan sa digital realities ngayon,  kasama ang mga panganib dito. Narito ang lima.  Ang hook ng pagiging maosyoso Nag-aalok ang ating gadgets ng walang-katapusang posibilidad para sa pagtuklas. Kahit ang simple na operating systems ay puwedeng umubos ng maraming oras sa pag-uusisa at pag-e-eksperimento. Di rin mabilang ang apps na uubos ng iyong oras habang inaakit ka nila sa kanilang kasalimuutan.  Ang lahat ng ito ay nakapanlilinlang, nagbibigay ng ilusyon ng kapangyarihan at galing, ngunit iiwan kang nakararamdam ng kawalan at kaba sa huli.    Resolusyon: Mahigpit kong lilimitahan ang paggugol ng oras sa pag-e-eksperimento sa aking gadgets at maglalaan ng mas maraming oras sa katotohanan kaysa sa technique.  Ang kawalan sa mundo ng virtual (un)reality Nakakalungkot makakita ng matatalino at malikhaing mga tao na naglalaan ng maraming oras at araw ng kanilang buhay sa paglikha ng mga lungsod at hukbo at adventure na walang kinalaman sa realidad. Mayroon tayong iisang buhay. Lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa atin ng tunay na Diyos para sa tunay na mundo, na naghahatid sa tunay na langit at tunay na impiyerno.  Resolusyon: Gagamitin ko ang aking paggawa at malikhaing lakas para sa tunay na mundo at hindi sa di-makatotohanang “virtual reality.”  “Personal” na ugnayan sa isang makina Walang ibang imbensyon na halos katulad ng tao kaysa sa computer. Puwede kang maglaro rito. Kakausapin ka nito. Lagi itong nariyan para sa ’yo. May malaking panganib dito dahil maaari tayong maging tunay na komportable sa electronic “person” na kaya nating i-manage, at dahan-dahang lumayo mula sa unpredictable, frustrating, at minsan masakit na pakikitungo sa mga tunay na tao.  Resolusyon: Hindi ko ipagpapalit ang personal na relasyon sa kapanatagan sa isang impersonal na computer.  Ang panganib ng tryst “Trsyt \’trist\ pangngalan: kasunduan (sa pagitan ng mangingibig) na magkita.”  Nagsisimula ang sexual affairs sa pribadong oras na magkasama, mahahabang pag-uusap, at pagbabahagi ng kaluluwa, na lahat ay maaari nang gawin nang palihim sa pamamagitan ng digital devices. Puwede mong isipin na “wala lang ’yun” — hanggang bigla siyang bumisita sa ’yo.  Resolusyon: Hindi ako magku-cultivate ng one-on-one na ugnayan sa isang tao ng opposite sex maliban sa aking asawa. Kung ako’y single, hindi ako magku-cultivate nang ganitong ugnayan sa asawa ng ibang tao.  Pornograpiya Mas mapanira ang X-rated videos. Maaaring hindi lang tayo nanonood kundi nakikisali rin sa kahalayan nito sa privacy ng ating kuwarto. Pinapayagan ng interactive porn na “gawin mo ito” o “ipagawa ito sa kanila” virtually.  Hindi pa ako nakakakita nito. At wala akong balak makakita nito. Pumamatay ito ng espiritu. Tinutulak nito palayo ang Diyos. Tinatanggalan nito ng pagkatao ang kababaihan. Pinapatay nito ang panalangin. Binablanko nito ang Biblia. Tinatanggalan nito ng halaga ang kaluluwa. Sumisira ito ng spiritual power. Dinudumihan nito ang lahat.  Resolusyon: Hinding-hindi ako magbubukas ng kahit anong app o website para sa sexual stimulation, o bibili o magdo-download ng kahit anong pornographic.

    6 min
  • Mapabilang sa Kanyang Bayan

    “Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan.” (Mga Gawa 15:14)

    Talagang hindi posibleng labis nating bigyan-diin ang kahalagahan ng pangalan ng Diyos, ang Kanyang karangalan, upang maging dahilan ng misyon ng church.

    Nang nabaligtad ang mundo ni Pedro ng pangitain ng maruruming hayop sa Mga Gawa 10, at ng aral mula sa Diyos na dapat siyang magpahayag ng ebanghelyo sa parehong Hentil at Judyo, bumalik siya sa Jerusalem at sinabi sa mga apostol na ang lahat ng iyon ay dahil sa kasigasigan ng Diyos para sa Kanyang pangalan. Nalaman natin ito dahil ibinuod ni James ang speech ni Pedro tulad nito: “Mga kapatid, makinig kayo sa akin.  Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan” (Mga Gawa 15:13–14).

    Hindi kataka-takang sabihin ni Pedrong ang layunin ng Diyos ay magtipon ng mga tao para sa Kanyang pangalan, dahil tinuruan ng Panginoong Jesus si Pedro ng isang di-malilimutang aral ilang taon bago iyon.

    Maaalala mong matapos tumalikod ng isang binatang mayaman kay Jesus at tumanggi itong sumunod sa Kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo [di tulad ng binatang mayaman]. Ano po naman ang para sa amin?” (Mateo 19:27). Mahinahon siyang sinaway ni Jesus, ipinakita na walang tunay na sakripisyo kapag nabubuhay ka para sa ngalan ng Anak ng Tao. Tugon Niya, “Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan” (Mateo 19:29).

    Malinaw ang katotohanang ito: May galak na ipinagpapatuloy ng Diyos ang pandaigdigang layunin na pagtitipon ng mga tao para sa Kanyang pangalan, mula sa bawat lahi, wika, bayan, at bansa (Pahayag 5:9; 7:9). Hindi maubos-ubos ang Kanyang enthusiasm para sa karangalan ng Kanyang pangalan sa mga bansa.

    Kung gayon, kapag sumasangayon ang ating layunin sa layunin ng Diyos, at alang-alang sa Kanya’y tinatalikuran ang ating paghahanap sa makamundong karangalan at ginhawa, at sumama tayo sa Kanyang global purpose, ang ubod nang tibay na commitment ng Diyos ay tila bandilang nawagayway sa ating harapan. Hindi tayo matatalo, kahit na maglakad pa tayo sa gitna ng maraming kapighatian (Mga Gawa 14:22; Roma 8:35–39).

    5 min
  • Paano Humingi ng Tawad

    Maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. (1 John 1:9, ASND)

    Naaalala kong sinabi ng isa sa mga propesor ko sa seminaryo na isa sa pinakamahusay na sukatan ng teolohiya ng isang tao ay ang epekto nito sa kanyang mga panalangin.

    Tinuring ko itong totoo dahil nangyari ito sa aking buhay. Bagong kasal lang kami ni Noël noon at sinasanay pa naming manalangin nang magkasama bawat gabi. Napansin kong habang kumukuha ako ng biblical courses na humuhubog at nagpapalalim ng aking teolohiya, nagbabago rin ang aking mga panalangin.

    Ang isa sa pinakamahalagang pagbabago noong panahong iyon ay kung paano ako natutong humarap sa Diyos batay sa kanyang kaluwalhatian. Sa pagsisimula ko sa “Sambahin nawa ang iyong pangalan” at pagtatapos sa “Sa pangalan ni Jesus,” ang kaluwalhatian ng Diyos ang layunin at batayan ng lahat ng aking mga panalangin.

    Anong kalakasan ang dumating sa aking buhay nang natutunan kong ang paghingi ng tawad ay hindi lang dapat batay sa apela sa awa ng Diyos kundi sa kanyang mabuting paghatol din, sa pagbibigay-halaga sa pagsunod ng Kanyang Anak. Maaasahan mong patatawarin Niya ang iyong mga kasalanan at lilinisin ka sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid Siya. (1 John 1:9).

    Sa Bagong Tipan, mas malinaw na pinapakita ang batayan ng lahat ng kapatawaran ng mga kasalanan, kumpara sa Lumang Tipan. Ngunit ang batayan — ang commitment ng Diyos sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan — ay hindi nagbabago.

    Tinuturo ni Pablo na ipinakita ng kamatayan ni Cristo ang katuwiran ng Diyos sa pagpapalampas sa mga kasalanan, at pinatunayan ang Kanyang hustisya sa pagbibigay-katwiran sa mga makasalanang umaasa kay Jesus at hindi sa kanilang mga sarili (Romans 3:25–26).

    Kung gayon, namatay si Cristo upang linisin ang pangalan ng Diyos mula sa tila matinding kabiguan ng hustisya — ang pagpapawalang-sala ng mga makasalanan alang-alang lamang kay

    Hesus. Ngunit namatay si Hesus sa paraan na ang pagpapatawad "alang-alang kay Hesus" ay katulad ng pagpapatawad "alang-alang sa pangalan ng Diyos." Walang kabiguan ng hustisya. Ang pangalan ng Diyos, ang Kanyang katuwiran, ang Kanyang hustisya, ay pinatunayan ng sakripisyo ni Cristo na nagbibigay-karangalan sa Kanya.

    Tulad ng sinabi ni Hesus noong mga huling sandali, “Ako’y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan” (John 12:27–28). Ito mismo ang Kanyang ginawa — upang Siya’y maging makatwiran at tagapagtanggol ng mga nagtitiwala kay Jesus (Romans 3:26).

    5 min
  • Nilikha Ka Para sa Diyos

    “Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.” (1 Samuel 12:22, ABTAG)

    Madalas, ang pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang reputasyon, karangalan, at kabantugan. Ganito natin ginagamit ang salitang “pangalan” kapag sinasabi nating gumagawa siya ng pangalan para sa kanyang sarili. O minsan ay sinasabi natin, pangalan ng brand iyan. Ibig sabihin, isang brand na maganda ang reputasyon. Sa tingin ko, ito ang ibig sabihin ni Samuel sa 1 Samuel 12:22, nang sinabi niyang pinili ng Diyos ang Israel “para sa kanya” at hindi Niya sila pababayaan “alang-alang sa kanyang dakilang pangalan.”

    Ang ganitong kaisipan tungkol sa adhikain ng Diyos para sa Kanyang pangalan ay napatunayan sa iba pang mga talata.

    Halimbawa, sa Jeremiah 13:11, inilarawan ng Diyos ang Israel bilang damit-panloob, o belt, na pinili Niya upang i-highlight ang Kanyang kaluwalhatian, kahit may mga pagkakataong hindi karapat-dapat ang Israel. “Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila’y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila’y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo’y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.” Bakit pinili ang Israel at ginawang damit ng Diyos? Upang ito’y maging “pangalan, papuri, at kaluwalhatian.”

    Sa kontekstong ito, ang mga salitang “papuri” at “kaluwalhatian” ay nagpapakita na ang kahulugan ng “pangalan” ay “karangalan” o “kabantugan” o “reputasyon.” Pinili ng Diyos ang Israel upang bigyan nila ng reputasyon ang Diyos. Sabi Niya sa Isaiah 43:21, ang Israel ay “nilalang ko . . . upang maging aking bayan, upang ako’y kanilang laging papurihan!”

    At kapag nakita ng church ang sarili sa Bagong Tipan bilang tunay na Israel, inilarawan ni Pedro ang layunin ng Diyos para sa atin tulad nito: “Ngunit kayo ay isang lahing pinili . . . pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan.” (1 Peter 2:9)

    Sa madaling salita, ang Israel at ang iglesia ay pinili ng Diyos upang gumawa ng pangalan para sa Kanya sa daigdig. Kaya naman ganito ang ating una at pangunahing panalangin, “Sambahin nawa ang iyong pangalan” (Matthew 6:9). Kaya ganito tayo manalangin, “Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan”, for your name’s sake. (Psalm 23:3).

    Kapag sinabi nating tayo’y mga taong nakasentro sa Diyos, tandaan na ito’y dahil sumasama tayo sa pagiging God-centered Niya. Sa dakong ito ng krus, ibig sabihin ay dumedepende at dinadakila natin si Cristo. “Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan” (1 Juan 2:12). “At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama” (Colossians 3:17).

    6 min
  • Ang Bukas Na Puro Kabiguan

    “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma’y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo’y maglingkod nang buong puso sa Panginoon. Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan. Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.” (1 Samuel 12:20–22, ABTAG)

    Nang natakot ang mga Israelita at nagsisi sila sa kanilang kasalanang paghiling kay Samuel na bigyan sila ng hari tulad ng ibang mga bansa, dumating naman ang mabuting balita: “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.” Nakikita mo ba kung gaano ito ka-backward pakinggan — backward at kamangha-mangha? Marahil ay inaasahan mong sabihin niya, “Matakot kayo, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.” Isa itong mabuting dahilan para matakot: Malaki ang iyong pagkakasalang humiling ng iba pang hari bukod sa Diyos! Ngunit hindi ito ang sinabi ni Samuel. “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.”

    Nagpatuloy siya,  “Huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo’y maglingkod nang buong puso sa Panginoon. Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.”

    Ito ang ebanghelyo: Kahit na malaki ang iyong kasalanan, at sobrang dinishonor mo ang Diyos, kahit na mayroon ka nang hari at nagkasala ka sa paghingi ng iba pang hari, kahit hindi na mababago ang kasalanang ito o ang masasakit na bungang paparating pa lamang, mayroon pa ring kinabukasan at pag-asa. Mayroon pa ring awa.

    Huwag matakot!

    Heto ang saligan — ang batayan at pundasyon — ng ebanghelyo sa 1 Samuel 12:22. Bakit hindi mo kailangan matakot, kahit na ginawa mo ang lahat ng kasamaang ito? “Hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.”

    Ang saligan ng ebanghelyo ay ang commitment ng Diyos sa Kanyang pangalan. Naririnig mo ba? Huwag kang matakot, kahit ikaw ay nagkasala. “Hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan.” Dalawa dapat ang epekto nito sa iyo: madudurog ang iyong puso na pagpapakumbaba at mapapaindak ka sa tuwa. Pagpapakumbaba dahil hindi ang halaga mo ang pundasyon ng iyong kaligtasan. Kaligayahan dahil ang iyong kaligtasan ay tiyak, tulad ng katapatan ng Diyos sa Kanyang pangalan. Wala nang mas sigurado rito.

    5 min

About Solid Joys Devotionals (Tagalog)

From the publisher's feed

Solid Joys is a daily devotional written and read by John Piper. DBTG (Driven By The Gospel) partners with Desiring God to translate these devotionals to Tagalog. These short and substantive readings…

More shows like Solid Joys Devotionals (Tagalog)

Sitio Bangungot - Pinoy Horror Stories for Sleep Podcast by Kwentong Takipsilim

Sitio Bangungot - Pinoy Horror Stories for Sleep Podcast

2 Listeners