Tanong 105. Ano ang hinihingi ng Diyos sa ika-anim na utos? Na hindi ko ilalagay sa kahihiyan, kamumuhian, sasaktan, o papatayin ang aking kapwa sa isip, sa salita, o sa pag-amba, at lalo na sa paggawa, sa pamamagitan ko man o ng iba; sa halip, isasantabi ko ang lahat ng pagnanasang maghiganti. Higit pa rito, hindi ko rin sasaktan o ilalagay sa panganib ang aking sarili dahil sa kakulangan ng pag-iingat. Kung kaya ang pamahalaan din ay nasasandatahan upang pigilan ang pagpatay.
Tanong 106. Ang utos bang ito ay tumutukoy lamang sa pagpatay? Sa pagbabawal sa pagpatay itinuturo ng Diyos sa atin na kinamumuhian niya ang ugat ng pagpatay, tulad ng inggit, pagkamuhi, galit, at pagnanasang maghiganti, at itinuturing Niya ang lahat ng ito bilang pagpatay.
Tanong 107. Ngunit ito lang ba ang hinihingi: na hindi lang natin patayin ang ating kapwa? Hindi. Nang kinondena ng Diyos ang inggit, pagkamuhi, at galit, iniuutos rin Niya sa atin na ibigin natin ang ating kapwa tulad ng sa sarili, magpakita ng pagtitiis, kapayapaan, kaamuhan, kaawaan, at pakikipagkaibigan sa ating kapwa, ingatan ang ating kapwa mula sa sakuna sa abot ng ating makakaya, at gawan ng mabuti pati na ang ating mga kaaway.