Tanong 75. Papaanong ang hapunan ng Panginoon ay nagpapaalala at nagtitiyak sa iyo na nakikibahagi ka sa nag-iisang pagpapakasakit ni Cristo sa krus at sa lahat ng Kanyang mga kaloob? Sa ganitong paraan: Inutusan ako ni Cristo at ang lahat ng mga mananampalataya na kainin itong pinagpira-pirasong tinapay at uminom sa kopang ito bilang pag-alaala sa Kanya. Kalakip ng utos na ito ay ibinigay Niya ang mga pangakong ito: Una, kung paanong nakikita ng aking mga mata ang tinapay ng Panginoon na pinagpira-piraso para sa akin at ang kopa ay ibinigay sa akin, gayon din katiyak na ang Kanyang katawan ay inialay para sa akin at ang Kanyang dugo ay nabubo para sa akin doon sa krus. Pangalawa, kung paanong tinatanggap ko mula sa kamay ng ministro at natitikman ng aking bibig ang tinapay at ang kopa ng Panginoon bilang mga tunay na tanda ng katawan at dugo ni Cristo, gayon din katiyak na Siya mismo ang magpapalakas at magbabago sa aking kaluluwa tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang katawang ipinako sa krus at dugong nabubo doon.
Tanong 76. Ano ang ibig sabihin ng kainin ang katawan ni Cristong napako sa krus at inumin ang Kanyang dugong nabubo doon? Una, na tanggapin ng may pusong nananalig ang kabuuhan ng pagpapakasakit at kamatayan ni Cristo at sa gayong paraan ay tanggapin ang kapatawaran ng mga kasalanan at buhay na walang hanggan. Pangalawa, na lubos-lubusang makikiisa sa Kanyang banal na katawan sa pamamagitan ng Banal na Espritu na nananahang pareho kay Cristo at sa atin. Samakatuwid kahit na si Cristo ay nasa langit at tayo nama’y nasa lupa, gayunpaman tayo ay laman ng Kanyang laman at buto ng Kanyang buto, at magpasawalang-hanggan tayong mabubuhay at pangangasiwaan ng nag-iisang Espiritu kagaya ng mga sangkap ng ating katawan na nasasakop ng nag-iisang kaluluwa.
Tanong 77. Saan ipinangako ni Cristo na palalakasin at babaguhin Niya ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng Kanyang katawan at dugo sa tuwing kakain sila ng pinagpira-pirasong tinapay at uminom sa kopang ito? Sa pagtatatag ng hapunan ng Panginoon: Ang Panginoong Jesus noong gabing Siya’y ipinagkanulo ay kumuha ng tinapay at matapos na magpasalamat ay pinagpira-piraso ito at sinabi, "Ito’y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin." Sa gayunding paraan ay kinuha Niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, "Gawin ninyo ito tuwing kayo’y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin." Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating Siya (1 Cor 11:23-26). Ang pangakong ito ay inulit ni Pablo kung saan ay sinabi niya: Ang kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito’y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito’y pakikisalo sa katawan ni Cristo? Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay (1 Cor 10:16, 17).