Inanunsyo ni Mr. Norminio Boying Mojica, presidente ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA), ang binabalak ng samahang binubuo ng Honda, Kawasaki, Suzuki at Yamaha na maggawad ng "Delivery Rider of the Year Award" sa mga natatanging riders ngayong taong 2022.
Tinuran ni Mr. Mojica na eto ay bilang pagkilala at pagbigay galang sa mga delivery riders na nagsilbing frontliners sa paghahatid ng mga essential goods tulad ng pagkain at gamit-medikal sa kasagsagan ng pandemya.
Sa mga kababayan nating nag-positibo sa Covid, at sa mga na-expose sa may Covid, na kinakailangang manatili sa bahay o quarantine facilities nang mahabang panahon, malaki ang naging papel ng mga delivery riders sa walang patid na dating ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan. Kahit na rin sa mga ordinaryong mamamayan na bumibili ng pangangailangan sa online sellers, sa halip na lumabas ng bahay, mga delivery riders din ang inasahan, at patuloy na inaasahan, sa panahon ng pandemya.
Eto ang napag-alaman natin mula kay Mr. Mojica noong Sabado nang mag-guest siya at si Cris Malaiba, Sec. General ng MDPPA, sa ating programa sa radyo (Good Trip, DZRJ810Khz, Saturday 1:00-2:00pm).
Nasabi rin ng mga bisita ang malaking kontribusyon ng mga delivery riders at online sellers sa pagbangon ng industriya ng motorsiklo ngayong may pandemya. Noong 2020, bumagsak ang benta ng motorsiklo ng 30% kumpara sa nagdaang taon. Pero noong 2021, lamago ang industriya nila ng 19%. Bumenta ang mga miyembro ng MDPPA ng 1,435,677 motorsiklo noong nakaraang taon, sa kabila ng paghihigpit sa health protocols.
Bukod sa nakatulong sa overall sales ng motorsiklo, malaki ang epekto ng delivery riders at online sellers para lumaki ang merkado ng mga tinatawag na underbones at scooters na motor.