Pagdating ni Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma'y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Tuwing maririnig ko ang Mabuting Balita natin ngayon, naaalala ko ang naging pag-uusap namin ng aming Superior General noong naka-assign pa ako sa Naga City. Nabanggit ko kasi sa kanya na mahirap palang ma-assign sa sariling bayan. Agad siyang dumugtong ng “Ït’s normal because no prophet is accepted in his native land”. Sabi ko sa kanya, “hindi po iyan ang problema ko Mother, kasi tanggap na tangap ako rito. Ang problema ko po, kung paano tatanggihan ang kaliwa’t kanang imbitasyon ng pamilya at mga kaibigan ko, kasi may apostolate ako”. Natawa sya. In my moments of prayer, nasabi ko tuloy sa sarili ko, marahil hindi ako propeta kaya tanggap ako sa sarili kong bayan. Pero sa moments of prayer din ako inaliw ng Panginoon. Mga kapanalig, ang kawalan ng pananampalataya ng mga kababayan ni Jesus, ang nagtulak sa kanya upang balikan ang mga pangyayari noong panahon nina Propeta Elias at Eliseo. Hentil ang nakinabang sa pagpapala ng Diyos at hindi Hudyo, dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. Mapalad ako dahil tinanggap at pinagkatiwalaan ako ng aking mga kababayan. Nakakataba ng puso ang tiwala nila sa akin kaya naman buong puso ko ring inalay ang aking sarili sa paglilingkod sa kanila. Higit na lumago ang aking mga kakayahan at tiwala sa sarili, dahil sa kanilang pagmamahal at malaking tiwala sa akin. Sa loob ng siyam na taong pamamalagi ko sa Archdiocese of Caceres, marami akong natuklasan sa aking sarili at nakayanang gawin, na kahit kelan, hindi ko inakalang magagawa ko. Then, I realized that God’s grace worked perfectly, with my simplicity and faith in HIM. Kapanalig, ikaw, kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos? Lumalago rin ba habang naglilingkod ka sa Kanya? O baka nanghihina na, dahil hindi ka lumalapit sa Kanya?