Mabuting Balita l Marso 14, 2023 – Martes
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
EbanghelyoMATEO 18, 21-35
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Sumagot si Jesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang and kanyang utusan… Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.
“At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.
“Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya and isa sa kanyang mga kasamahan na may utang naming sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
“… Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.”
Idinagdag pa Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
“Magpatawad? Ha! Isang kabaliwan yan. Lintik lang ang walang ganti. Ano ako Diyos, tao lang ako, di ko kaya magpatawad.” Yan ang madalas nating sinasabi, kung hindi natin kayang magpatawad. Totoo naman talaga, na bilang tao napakadali lang sabihin ang magpatawad, lalo na kung hindi tayo ang nakaranas ng sakit ng mga taong nanakit sa atin. Sa ating Mabuting Balita, tinanong ni Pedro ang ating Panginoong Hesukristo kung ilang beses ba tayo dapat magpatawad? Ang tugon ng Panginoon: “Hindi lang makapito kundi pitumpung ulit pa nito.” Mga kapanalig, huwag nating unawain ng literal ang sinabing ito ng Panginoon; o bilangin hanggang sa umabot sa pitumpung ulit ang ating pagpapatawad. Ang ibig sabihin lamang ng ating Panginoong Hesukristo, magpatawad tayo nang walang katapusan. Totoong mahirap itong gawin, kung aasa lamang tayo sa ating sariling kakayahan; pero posible, sa tulong ng biyaya ng Dios. Alalahanin natin, na walang iniutos ang ating Panginoong Hesukristo na hindi natin kayang gawin. Naniniwala siya na kaya nating magpatawad, dahil nilikha tayong kawangis ng Diyos, na Mapagmahal at Maawain. Mga kapanalig, huwag nating gawing excuse na tao lamang tayo, kaya mahirap magpatawad. Kundi sabihin nating, tao tayong nilikhang kawangis ng Diyos, kaya may kakayahan tayong magpatawad. Oo, mahirap magpatawad kung aasa lamang tayo sa ating sarili; pero hindi imposible, sa tulong at biyaya ng Diyos.
Fr. Sebastian “Baste” Gadia, SSP / Society of St. Paul