Mabuting Balita l Abril 8, 2024 – Lunes
Sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lunsod ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sa isang birhen na naidulog na sa isang
lalaki sa lahi ni David na ang Pangalan ay Jose at ang pangalan ng Birhen ay Maria. Pagpasok niya sa kinaroronan ng babae ay sinabi niya: Aba! puspos ka ng Biyaya ang Paginoon ay sumasaiyo. Sa mga Pangungusap na ito. Si Maria ay nagitla at pinag dili dili ang kahulugan ng gayong bati. Datapwat sinabi sa kanya ng Anghel:
“Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugodlugod ka sa Mata ng Diyos.Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay Magiging dakila at tatawagin Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang Luklukan ni David ang kanyang Ama at Maghahari
siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; at walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakikilalang lalaki?” Bababa sayo ang Espiritu
Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipanganganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag anak mong si
Isabel ay naglihi rin ng isang lalaki sa kanyang katandaan, at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan niya. Sapagkat sa Diyos ay walang bagay na hindi
mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang magiging reaksiyon mo kung sasabihan ka ng isang bagay na di kapani-paniwala? Pagkamangha? Kawalan ng pagkaunawa? Kawalan ng interes? Tawa o Takot? Iba ibang reaksiyon ang pwedeng mag mula sa atin. Pero ang mga ito ay legitimate expressions, na maaaring manggaling kaninoman, sa harap nang hindi kapani-paniwalang sitwasyong katulad ng nangyari kay Maria. Mga kapatid,
ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon. Sa ingles, tinatawag natin itong Feast of the
Annunciation. Ayon nga sa Mabuting Balitang narinig natin, nagbalita ang anghel kay Maria - na siya ay magiging Ina ng Manunubos. Ang pagpapahayag na ito ng Anghel kay Maria ay isang napakahalaga at katangi-tanging pangyayari na nagpabago sa takbo ng kasaysayan ng sangkatauhan. Nang tinanggap ni Maria nang
buong kababaang-loob ang pahayag ng anghel na siya ay pinili upang maging ina ng Manunubos, inilaan niya ang sarili na maging instrumento ng Diyos sa kanyang
gawaing pagtubos. Ang bukas na puso at kababaang-loob ni Maria ay isang paanyaya sa atin, na tularan ang kanyang halimbawa — na magkaroon din tayo ng bukas na puso sa mga pahiwatig ng Espiritu, at maging laging handa na magsabi ng Oo, sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. (‘Di ba ang “tendency” natin kapag nahaharap tayo sa isang mahirap o gipit na sitwasyon, iniisip natin kung anong
positive results ang magiging bunga ng ating desisyon o aksyon, sa ating buhay? Self-preservation, ‘ika nga. Samantalang si Maria, ang kalooban ng Diyos ang
tanging iniisip at wala nang iba pa. Hindi ang kanyang sariling kalooban, o ang kanyang sariling kagustuhan. Kapanalig, hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo
ng biyayang tumugon sa kalooban ng Diyos nang walang pag-aalinlangan. Nawa’y manatiling bukas ang ating puso at maging laging handang tumugon sa Kanyang
tawag sa bawat sandali ng ating buhay. Amen.