Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad “Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta. Kundi tigib ng lungkot ang iyong puso sa pag sasabi ko nito sa inyo. Ngunit sinasabi ko ang katotohanan. Makabubuti sa inyo’y ako’y umalis, sapagkat kong hindi ako aalis hindi makararating sa inyo ang tagapag tanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko sa inyo at pagdating niya, hihiyain niya ang mundo sa pag lalantad sa kasal-anan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasal-anan, hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagka matuwid. Sa Ama ako papunta, samantalang hindi n’yo na ako makikita at hinatulad na ang pinuno ng mundong ito. Ito ang pag hatol.”
Noon, sa tuwing natatapos ang aking klase, nag-papaalam ako sa mga mag-aaral at sinasabi: “Paalam at Salamat, Class” Sumasagot naman sila ng “Paalam at Salamat po, Sir Buen.” Karaniwan na sa mga klase ang ganitong tagpo. Isang araw, nabalitaan kong may mag-aaral na papuntang abroad. Hindi na niya matatapos ang eskwela. Nakasalubong ko siya sa hallway at tila umiiwas ng tingin. Nilapitan ko at sinimulang kausapin. “Paalam at salamat nak ha at mag-iingat sa pupuntahan. Magpaka buti.” Wala naman akong kakaibang sinabi. Bigla na lang umiyak ng umiyak sa aking harapan ang mag-aaral. Doon ko nalaman na labis pala ang lungkot nya sa nalalapit nilang pag-alis ng kanyang pamilya. Mahal na mahal niya ang paaralan, ang kanyang mga kaibigan, lalo na ang nakalakihang bayan. Pero dala ng pangangailangan, para sa pamilya, mangingbang bayan sila para na rin sa kanilang kinabukasan. Naunawaan naman daw niya kung bakit, pero sadyang nalulungkot siya. Ipinaliwanag ko na natural na pakiramdam natin ang malungkot sa tuwing malalayo o aalis ang isang mahal sa buhay. Isa itong patunay na, bilang tao, nagmahal tayo, naging bahagi o napabilang sa isang pamilya o pangkat. Sinabi ko sa kanya na may misyon na naghihintay sa kanya doon sa kanyang pupuntahan. May plano ang Diyos. Kapit lang. Sinabi ko rin na narito lamang kami at lagi siyang ipinagdarasal. Sa ebanghelyo, alam nating mahal na mahal ng mga alagad si Hesus at gayundin naman siya sa kanila. Sa ganitong paraan mauunawaan natin nang inilarawan ni Hesus ang mga alagad na “natigib ng kalungkutan” noong malaman nila ang kanyang napipintong pag-alis. Ngunit, hindi hinayaan ni Hesus na manatili sa kalungkutan ang kanyang mga alagad. Ipinaliwanag niya na kailangan niyang umalis upang pumunta sa Ama. Dagdag pa rito, sinasabi niya na makabubuti sa mga alagad ang kanyang paglisan sapagkat maisusugo niya ang Patnubay. Kalaunan, naunawaan ito ng mga alagad. Hindi sila nanatiling lugmok at umiiyak sa isang silid. Noong dumating ang Patnubay, nabuhayan silang lalo ng kalooban. Makikita ang mga ito sa mga unang pagbasa sa mga nakalipas na araw. Buhay na buhay ang pagkilos at pagpapahayag ng mga alagad sa iba’t ibang lugar. Nalimot na nila ang lungkot ng paglisan ng Panginoon. Mga kapatid, kasama ang Patnubay, ang Espiritu Santo, tayo rin nawa ay mapalakas ang kalooban at magpatuloy sa ating misyon sa buhay gaano man ito kabigat. Tandaan kasama natin ang Diyos. Amen. – Cl. Buen Andrew Cruz, SSP | Society of St. Paul