Mabuting Balita l Marso 26, 2023
Linggo sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (A)
Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro. sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang
kapatid ko. Subalit kahit na ngayong, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid
mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako ang muling pagkabuhay
(at ang buhay!) Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa
akin.” Nabagabag ang loob ni Jesus at nagpunta siya sa libingan. Isang yungib ‘yon, at may batong nakatakip doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo
ang bato.” Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nangangamoy na siya sapagkat apat na araw na.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi ba sinabi
ko sa iyo, na kung maniniwala ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”At inalis nila ang bato. Tumingala naman si Jesus at sinabi: “Ama,
pinasasalamatan kita sapagkat dininig mo ako. Alam ko na lagi mo akong dinidinig, subalit dahil sa mga taong nakapaligid ako nangusap upang
maniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi niya nito, sumigaw siya ng buong lakas: “Lazaro, halika sa labas!” Lumabas ang namatay na
natatalian ang mga paa at kamay ng telang panglibing, at napupuluputan din ang mukha niya. At sinabi sa kanila ni Jesus: “Kalagan ninyo siya at bayaan siyang
lumakad.” Kaya marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ay naniwala sa kanya.
Sa Mabuting Balita ngayong araw, sinasariwa natin ang muling pagtatagpo ng magkaibigang si Hesus at Lazaro. Dalawang bagay ang ipinaaabot sa atin ng Mabuting Balita: pakikipagkaibigan at pagbibigay buhay. Gaano nga ba kalalim at wagas ang pagkakaibigan nina Hesus at Lazaro? Makikita ito sa pagtangis ni Hesus. Nangangahulugang mahal niya si Lazaro at nakikibahagi siya sa pagdadalamhati nina Marta at Maria. Sa pamamagitan nito, ipinamamalas sa atin ni Hesus na handa siyang makipagkaibigan sa atin. Handa siyang makibahagi sa ating dusa’t dalamhati. Handa siyang umiyak para sa atin. His tears are a reminder that he loves us and cares for every soul. Bilang mga alagad ni Kristo, naniniwala tayo sa resurrection of the dead; na hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan. Bagkus, ito’y daan tungo sa buhay na walang hanggan. Pero, mapapasaatin lamang ito kung maniniwala tayo kay Hesus. Siya na mismo ang nagsabi: Whoever believes in me even if he dies, will live and everyone who lives and believes in me will never die. Kapag sinampalatayanan natin ito nang may pagmamahal, lahat ng mga “kamatayang nararanasan” natin ay magkakaroon ng halaga, ng kahulugan. Kapag tinuon natin ang ating buhay kay Hesus, kapag pinapatay natin ang pagmakasarili, at magsimulang mabuhay para sa iba, pinapupurihan natin si Hesus sa ating buhay. Ngayong Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan – to die to ourselves – upang maibigay ni Hesus ang buhay na masagana at walang hanggan sa atin. Makakamit natin ito kung mananatili ang pagkakaibigan natin sa isa’t-isa, lalo na kay Hesus.
Fr. Brian Tayag, SSP / Society of St. Paul