Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.”
Ngayon ay ating ipinagdiriwang, ang kapistahan ni San Esteban, ang unang martir, na nag-alay ng kanyang buhay para kay Hesus. Sa Mabuting Balita, napakinggan natin ang mga kahirapan at pagtugis na daranasin ng mga tagasunod ni Kristo. Siguro maitatanong natin: “Bakit kaya, isang araw pa lang, matapos ang masayang pagdiriwang ng Pasko, ay kaagad nating ginugunita ang mga pagsubok at kamatayan na daranasin ng mga tagasunod ni Kristo? Mga kapanalig, alalahanin natin ang mensahe ng Pasko, Pag-ibig, ‘di po ba? Ang tunay na umiibig ay nakahandang ialay ang buhay para sa minamahal! ‘Yan ang mensahe ng Diyos para sa atin, sa pagpapadala ng Kanyang Bugtong na Anak, na si Hesus. Imagine, sinabi ni Hesus: “Hahampasin kaya, dadalhin nila kayo sa mga gobernador at mga hari…” Nguni’t wala tayong dapat ikabahala dahil sinabi din Niya: “Ang Espiritu ng Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo…kapopootan kayo ng lahat, dahil sa akin, ngunit ang mananatiling tapat ay maliligtas.” Ganito ang nangyari kay San Esteban. Nguni’t di siya nagpatinag. Patuloy niyang ipinahayag ang pag-ibig ng Diyos at ang katotohanan, na ang Diyos na Tagapagligtas ay sumasaatin. Pinatawad at ipinagdasal pa niya, ang mga tumugis at pumatay sa kanya. Tulad ni San Esteban, maging matatag tayo at maisabuhay nawa natin ang diwa ng Pasko: pag-ibig, pagpapatawad at pag- asa… sa gitna ng matinding pagsubok at mga pag-uusig. Nawa, patuloy nating tanggapin at ipahayag ang pag-ibig ng Diyos, kay Hesus na nagkatawang-tao.