Mabuting Balita | Enero 1, 2023 – Linggo | Bagong Taon - Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH
EBANGHELYO: Lucas 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Bethlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Naghahatid ng bagong sigla at init sa ating kalooban ang awit ng ating Mahal na Ina, Birhen Maria -- Siyang bukod na pinagpala sa babaeng lahat. “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas.” (Lk 1, 46-47) Awit ng pusong puno ng pasasalamat sa mga kagila-gilalas na ginawa ng Panginoon sa kaniyang buhay.
Minsan, may napanood akong interview sa isang bata pang negosyante na naging milyonaryo. Nag share siya kung paano niya binuo ang kanyang negosyo at kung paano ito naging successful. Bago natapos ang panayam sa young businessman na ito, meron siyang tinawag na isang staff, isang PWDna naging trusted niya sa pagpapatakbo ng nasabing negosyo. Nag share din ito ng kaniyang sobra-sobrang pasasalamat. Ikinuwento niya na, sa mahabang panahon walang tumatanggap sa kaniya sa trabaho dahil sa kaniyang kalagayan. Pero, ngayon pinagkakatiwalaan siya at nagkaroon ng opportunity na baguhin ang takbo ng kanyang buhay at ng kaniyang pamilya.
Mga kapanalig, marahil ang ating mga kahinaan ang nagiging hadlang sa atin upang magampanan ng lubusan ang ating mga tungkulin. Inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita, na makinig at pagnilayan ang kamay ng Diyos na kumikilos sa ating mga karanasan. Maging sensitibo nawa tayo nang makita natin at mapansin ang tahimik na pagdating ng Diyos sa ating buhay araw-araw.
Ang kasalanan at hilig sa makamundong kaisipan ang nagiging hadlang upang maging lubusang ganap ang pakikiniig at pagtubos ng Diyos sa atin. Hangad Niyang makita natin at mapatunayan na higit pa ang Kaniyang biyaya kaysa sa ating sala.
Ipagdasal natin na sa tulong ng Mahal na Ina, matularan natin ang dalisay Niyang puso at kahandaan sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Kasama ang ating Mahal na Ina, Birhen Maria, sama-sama tayong bumangon at ipahayag ang pagpapala ng ating Panginoon. With Mary, we rise in haste to serve our brothers and sisters!
- Sr. Amelyne Paglinawan, fsp | Daughters of St. Paul