Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.”. At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Nagkaroon ka na ba ng near-death experience? May I raise my hand. Kapanalig, akala ko pinili na ako ng Panginoon na dalhin na sa kabilang buhay. Hinampas-hampas ako ng masusungit na alon noon. Hinihigop tapos iluluwa sa buhangin. Wala ka na palang magagawa kapag ganun kundi sumurrender. Nakakita na ako ng welcoming light. Habang papataas ako, at papalapit, nasisilip ko ang super liwanag sa loob. Ramdam ko na noon ang deep peace at puspos ng kaligayahan. Wala na akong naalala sa iniwan ko. Kaso, sa isang iglap, bumalik ang isip ko ganundin ang pakiramdam ko sa sitwasyon na nalulunod sa dagat. Nang narinig ko ang boses na: “lumaban ka” habang hinihila ako papunta sa pampang, doon ko naramdaman ang bigat, ang pagod, at sikip ng dibdib. Hindi ko pa pala oras. Ganyan ang narinig natin sa Mabuting Balita ngayon. May kukuhanin, mayroong maiiwan. It speaks of losing and saving lives in the hands of God. Isang snap lang ng finger. Boom! Bahala na si Lord sa kabilang buhay. Kaya’t patuloy nating bigyang halaga ang tunay na patutunguhan ng ating kaluluwa. Lahat tayo babalik sa alabok. Kaya, araw-araw, tulad ngayon, maging handa tayo baka ito na ang last day natin dito sa lupa. Paano? Magpatawad. Makipagkasundo. Magbayad ng utang na loob. Kung kailangan mong gawin ito sa iyong pamilya, sa iyong kaibigan, sa Sambayanang Katoliko na kinabibilangan natin, now na! Baka wala nang time bukas. - Sr. Gemmaria dela Cruz, FSP | Daughters of St. Paul