Mabuting Balita l Hunyo 1, 2023
Huwebes sa Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon
Pag-alis ni Hesus sa Jerico kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabing-daan-- si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Hesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Hesus, anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Hesus at sinabi: “Tawagin n'yo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Hesus. Kinausap ito ni Hesus at sinabi: “Ano ang gusto mong gawin ko?” at sumagot sakanya ang bulag. “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Hesus. “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.” Agad s’yang nakakita at sumunod s’ya kay Hesus sa daan.
Mga kapanalig, narinig natin sa Mabuting Balita ang tagpo ng pagpagaling ng Panginoong Hesus kay Bartimeo. Pero bago pinagaling ang
bulag, nag-effort siyang sumigaw upang mapansin ni Hesus. Matalas din ang kanyang pakiramdam na dumaraan ang Panginoon, kaya lalo niya pang nilakasan ang pagsigaw, “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin”.
Noong nagkasakit ako ng cancer noong 2014 at naka-recover sa grasya at awa ng Diyos… at naaksidente sa sasakyan at nabalian ng femur sa left leg, noong tumaob ang aming sasakyan noong January 2019…ito din ang sigaw ng aking puso sa aking pagsumamo sa Diyos... “Panginoong Hesus, mahabag po kayo sa akin. Kung meron pa po akong misyon sa mundong ito, pagalingin mo po ako. But may Your will and not mine be done.” Isang dasal na bukas
tanggapin ano man ang kalooban ng Diyos. Sa dalawang okasyon na ito, na maituturing kong near death experience, mas marami akong time magdasal at
magnilay habang nagrerecover at mas naging malalim ang realization ko that our life is in God’s hands. Maaari Niya itong pahabain o paiikliin ayon sa Kanyang layunin. Sa pagkakataong ito, personal kong naranasan ang habag at awa ng Diyos, ang Diyos na hindi nang-iiwan at nagpapabaya, when you are at your lowest. Tinuturing ko ang buhay ko ngayon na extension na lamang na pinagkaloob ng Diyos upang magpatotoo sa Kanyang dakila at walang
hanggang pagmamahal. Kapanalig, kung sa mga sandaling ito, tila nalulunod ka na sa kawalan ng pag-asa dahil sa mabigat na problemang kinakaharap mo, tularan mo ang masidhing pananalig ng bulag. At buong pagpapakumbabang sabihing “Panginoon, mahabag po kayo sa akin. Kayo na lamang po ang aking inaasahan, pagalingin Mo po ako sa aking karamdaman.” Mahalagang klaro din, kung anong partikular na grasya ang hinihingi natin sa Panginoon. Bagamat alam na ng Panginoon ang pangangailangan ng bulag, tinanong pa rin niya siya, “Ano ang ibig mong gawin ko sa’yo?” At agad niyang sinabi, gusto
kong makakita. At sinabi ng Panginoon, magaling ka na, dahil sa’yong pananalig. Mga kapanalig, muling pinatunayan ng Mabuting Balita ang bisa ng
masidhing pananalig sa Diyos. Kung malakas ang pananampalataya natin sa Diyos, kung lubos ang ating pagtitiwala sa Kanyang kagandahang-loob, hinding-hindi tayo susuko at mawawalan ng pag-asa gaano pa kalaki at kabigat ang problemang kaharapin natin. Dahil pinatatatag tayo ng pananalig “That our life is in God’s hands, so we have nothing to fear.”
Manalangin tayo: Panginoon, hilumin Mo po ang aking espiritwal na pagkabulag. Makita ko nawa ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay, lalo na sa mga pagkakataong pinanghihinaan ako ng loob, at nawawalan na ng pag-asa. Pag-alabin Mo po ang ningas ng apoy ng Espiritu Santo sa aking puso nang
manatili akong matatag sa gitna ng problema at laging nakakapit sa’yong habag at awa, Amen.
- Sr. Lines Salazar, fsp l Daughters of St. Paul