Mabuting Balita l Mayo 22, 2023
Lunes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Sinabi ng mga alagad kay Hesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”
Best friend … BFF. Sila yung mga importanteng tao sa buhay natin na minsan, sobra pa sa kapatid ang turing at malasakit sa atin. Sila yung tipong dadamay,
nakikipaglaban, at nasasabihan ng sekreto, na hindi natin masabi kahit sa magulang at mga kapatid. Ganito itinuring ni Hesus ang kanyang mga alagad:
“Tinatawag ko kayong kaibigan.” (Jn 15:15). At dahil sa pagkakaibigang ito, kaya panay ang update niya sa mga alagad habang papalapit na ang kanyang oras.
Alam naman niyang hindi lahat ay maiintindihan nila; hindi din yun ang ine-expect niya sa kanila. Gusto lang ni Hesus na i-assure sila - na sa papalapit na oras
niya, ibig sabihin, ang paghihirap at kamatayan niya – wag silang mag-alala, ok lang siya. Kahit alam niyang matatakot sila, manghihina ang loob,
magkakawatak-watak at magkakanya-kanyang iligtas ang sarili; gusto niyang maging paceful ang loob nila. Kung may ganito kang kaibigan, na siya na ang
mahihirapan, siya na yung nataningan ng buhay, pero ikaw pa rin ang iniisip. At kahit sa mga di maiiwasang bagay na di tayo kayang protektahan, sasabihan kang wag kang mag-alala, ako pa rin ang bahala sa yo – ikaw na siguro ang pinakaswerteng tao sa mundo! Opo, kapanalig, hindi lang suwerte ang meron tayo
kay Hesus bilang kaibigan, kundi napakahalagang regalo ito, na bukas-loob at buong pusong binigay sa atin ng Ama. Ang magkaroon ng tapat at kaibigang handang gawin ang lahat, kahit buhay, kayang ibigay para sa kapakanan natin – at dahil nga BFF natin siya, ayaw niyang mawalay tayo sa kanya, “walang iwanan” – kaya’t gagawin niya ang lahat para makasama niya tayo sa piling ng Ama.
Manalangin tayo: Ama, maraming salamat po kay Hesus, na siyang nagbibigay ng lakas ng loob sa amin sa lahat ng oras. Amen.
- Sr. Reajoy San Luis, fsp l Daughters of St. Paul