Mabuting Balita l Abril 27, 2023
Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘Tuturuan nga silang lahat ng Diyos’, kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos, siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang hanggan ang naniniwala sa akin. Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng mana sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog
mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na Buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
Mula sa panulat ni Fr. Joe-Nelo Penino ng St. Francis Xavier Parish, Archdiocese ng Caceres ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang pinakadakila at wala nang hihigit pang pamana ni Hesus sa atin ay ang kanyang mismong sarili bilang ating TINAPAY NANG BUHAY. Hindi ito simbolismo o tanda ng kanyang presensya, kundi mismong ang kanyang tunay at totoong presensya dito sa ating mundo. Nagpapahiwatig ito na hindi Niya tayo kailanman iiwan. Narito siya at buhay sa ating piling. Sa tuwing tinatanggap natin siya sa Eukaristiya, nariyan ang kanyang tunay, totoo at matibay na presensya; ang Panginoong Hesukristo mismo ang ating tinatanggap. Huwag nating lilituhin ang ating mga sarili sa pag-unawa, ng salitang TINAPAY NA BUHAY. Ibang-iba ito sa tinapay na kinakain
natin sa almusal o meryenda. Ang tinapay na ibinabahagi ni Hesus, ay ang kanyang sariling buhay, para makamit natin ang buhay na walang hanggan. Mas
lalo nating nasasaksihan ito, sa tuwing tayo’y nagsisimba at nakikibahagi sa misa. Ang tinapay na tinutukoy, ay buhay na Salita nang Diyos at Eukaristiya.
Lagi nating pakakatandaan, na sa bawat pag-aalay natin nang misa, tinatanggap natin ang tinapay nang Salita nang Diyos at tinapay nang Eukaristiya. Hayaan
natin si Hesus na manahan sa atin. Kaisa natin siya sa ating buhay, sa lahat nang yugto at karanasan natin sa buhay. Siya ang nagbibigay lakas at enerhiya
sa atin, upang sa bawat hamon at pagsubok nang buhay, manatili tayong matatag at matapat sa kanya. Ang kanyang katiyakan sa atin, walang iba kundi ang
pagpupunyagi hanggang sa huli. Sa bawat pagtanggap natin sa kanya, inaanyayahan Niya tayong maging Kanyang buhay na presensya sa ating kapwa, lalong- lalo na, sa mga nasa laylayan nang ating lipunan at simbahan.