PAULINES

PAULINES

By Daughters of St. Paul | Phil-Malaysia- PNG-Thai ProvinceReligion & SpiritualityReligion
Download on the App Store

All PAULINES episodes

  • Mabuting Balita | Enero 30, 2022 – Linggo

    Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

    Mabuting Balita | Enero 30, 2022 – Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: LUCAS 4:21-30

    Pagdating ni Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma'y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.

    PAGNINILAY:

    Mga kapanalig, may dalawang aral tayong mapupulot sa Mabuting Balita ngayon. Una, para sa ating humahadlang sa mga tao para hindi sila makagawa ng mabuti. Ano bang buti ang maidudulot sa atin ng gawang ito? Anong klaseng saya ang nararamdaman natin sa tuwing nagiging kontrabida tayo sa mga taong gumagawa ng kabutihan at gusto pa natin silang hadlangan? Di ba’t wala! Nakakalungkot isipin na hindi na nga tayo gumagawa ng kabutihan, gusto pa nating hadlangan ang mga taong nagpapakabuti. Saan ba galing ang masamang saloobing ito? Malamang sa inggit na namamayani sa ating puso. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng sapat na biyaya at pagpapala upang magbahaginan tayo para sa ikabubuti ng mundo. Ang dapat nating iwasan ay ang inggit. Na siyang nagiging hadlang para maghari ang kabutihan ng Diyos sa sandaigdigan. Ang ikalawang aral, ay para sa ating nagsisikap gumawa ng mabuti pero hinahadlangan tayo ng kapwa. Hindi natin kayang suyuin ang lahat ng tao. Sa kabila nang mga ginagawa nating mabuti, mayroon pa ring kokontra at hahadlang, lalo na kung ang ating ginagawa ay labag sa kanilang paniniwala. Kung tayo’y naniniwala na ang ating ginagawa ay ayon sa kalooban ng Diyos, wala tayong dapat ikatakot kahit pa tayo’y usigin. Dahil gagawa at gagawa ang Diyos ng paraan upang patuloy na magbunga ang ating mabubuting gawa nang maging daluyan ito ng pagpapala para sa ating kapwa.

    - Sr. Lines Salazar, fsp | Daughters of St. Paul



    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 29, 2022 – Sabado

    Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

    Mabuting Balita | Enero 29, 2022 – Sabado sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: MARCOS 4:35-41

    Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Hesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!”  Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tumahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ba ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

    PAGNINILAY:

    Tumahimik. Pumayapa. Ang silakbo ng dagat, salamin ng silakbo   ng ating kalooban. Iisa ang rhythm natin dahil iisa lang ang ating Father and Creator. Magkakaugnay tayong lahat.  Isa na rito ang dagat. Si Hesus bilang 100% human at 100% divine, pinatigil ang naliligalig na dagat. Nasubukan mo na bang tanawin ang tagpong ito, sa contamination ng kasalanan, sa dagat ng ating kaibuturan? Makikita natin na hindi lang ito personal sin ng bawat isa sa atin, pero ang pangkalahatang kasalanan. Hindi ba sa liturgy natin na “Kordero ng Diyos”, si Hesus ang nag-aalis ng kasalanan ng buong mundo? Kasama na rito ang kawalan ng katarungan natin at krimen laban sa kapaligiran na sumusugat sa planetang ginagalawan natin. Naalala nyo ba ang tatlong turo ni Pope Francis para matamo natin ang “inner peace at world peace? Edukasyon, trabaho, at dialogue. Mula ito sa message niya sa World Day of Prayer for Peace 2022. I-adaptnatin ito sa nagagawa nating kasalanan. Mababawasan at hihina ang pagkakasala, kung lagi nating pag-aaralan nang may pananampalataya ang Katesismo, bilang edukasyon, Paglilingkod, sa halip na trabaho, at tamang pag-uusap o dialogue. Una sa Katesismo, kung pinalulusog natin ang ating kaalaman sa Katesismo, magiging guide natin ito na mag-isip ng mabubuting bagay. Ikalawa, kung nakafocus ang ating galaw para sa ikabubuti ng ating kapwa, maisasantabi natin ang gumawa ng masama laban sa iba.  At ikatlo, kung binibigyang halaga natin ang tamang pag-uusap kapag may samaan ng loob, ang pagbibigay natin ng freedom to express others’ voice, dito sasagana ang pagkakaunawaan natin dahil sa inihayag na katotohanan. Ito ang magsisilbing tinig ni Hesus para malusaw ang okasyon sa pagkakasala. Pakinggan natin ang Words of Peace ng ating Panginoon: Pumayapa. Tumahimik!

    - Sr. Gemmaria de la Cruz, FSP | Daughters of St. Paul



    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 28, 2022 - Biyernes

    Mabuting Balita | Enero 28, 2022

    Biyernes sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: MARCOS 4:26-34

    Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon sa Langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

    PAGNINILAY:

    Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar. Sa mga ipinaliwanag sa atin ni Hesus sa mga ebanghelyo, narinig natin na para itong isang buto ng mustasa na maliit pero sisibol at lalaki na isang mayabong na halaman. Bakit?  dahil ang Kaharian ng Diyos ay isang kaganapan. Ito ay unti-unting pagiging ganap ng kapayapaan, pagmamahal, katarungan sa sanlibutan, hanggang sa tuluyan nang mapuksa ang lahat ng kasamaan. At ang pagdating ni Hesus sa mundo ay katunayan na nagsimula na ito at unti-unti nang nagaganap.  Pero paano? Sa tulong ng bawat isa sa atin, sa tuwing ginagawa natin ang mga halimbawa ni Kristo dito sa mundo. Nang mapagtagumpayan ni Kristo ang kamatayan sa Krus, kinompirma niya na totoo ngang naghahari na ang Diyos sa mundo, at siya ay nasa bawat puso natin. Nasa kung paano tayo mamuhay dito sa mundo magiging ganap ang Kaharian ng Diyos.  Namumuhay ka ba nang may malasakit sa iyong kapwa? Kaya mo bang manindigan sa katotohanan laban sa kamalian at kasinungalingan? Ano ba ang pinapanigan mo ang masama o mabuti? Dahil ang Kaharian ng Diyos ay parang isang binhi na nakatanim din sa ating puso, nasa atin din ang kakayahang alagaan ito. Lalago lamang ito kung pipiliin natin ang maka-Diyos at maka-Kristiyanong desisyon sa buhay.

    - Fr. Oliver Par, SSP | Society of St. Paul

    PANALANGIN:

    Diyos Amang naghahari sa sanlibutan, turuan mo akong mamuhay ayon sa iyong mga utos. Amen.

    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 27, 2022 - Huwebes

    Mabuting Balita | Enero 27, 2022

    Huwebes sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: MARCOS 4:21-25

    Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang mga may tainga! Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”

    PAGNINILAY:

    Naranasan mo na bang maglakad sa madilim ng lugar? Sa pagkakataong ito marahil ang tanging nasa isip mo ay makakita ka ng liwanag kahit kaunti man lamang para makita mo ang iyong nilalakaran. Sa narinig nating Mabuting Balita ngayon, sinasabi na ang ilaw ay hindi itinatago, sa halip, inilalagay ito sa mataas na lalagyan upang magbigay liwanag sa lahat.  Ano ba ang ilaw na ito na binabanggit sa Mabuting Balita? Ito ang mga katangian at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, na dapat gamitin at palaguin para sa kabutihan ng ating sarili at kapwa. Sa ganitong paraan, para kang isang ilaw na nagbibigay liwanag sa iyong kapaligiran. Lahat tayo’y binigyan ng Diyos ng talento at kakayahan upang gamitin ito sa kabutihan. Nais ng Diyos na gamitin natin at payabungin ang mga ito bilang pagpupuri sa kanya. Sa panahong ito ng krisis dulot ng pandemya, huwag tayong mag-atubili na gamitin ang ating kakayahan para makatulong sa ating kapwa na nangangailangan – maging ito man ay spiritual o material na bagay. Mga kapanalig, kahanga-hanga talaga ang mga sakripisyo na ginagawa ng ating mga medical frontliners. Hindi nila iniinda na ma-expose ang sarili sa virus, dahil naniniwala sila na ang kanilang kaalaman at expertise sa medisina ay isang gift na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon, at kailangan nila itong gamitin sa pagsisilbi sa kapwa. Marami na rin sa kanila ang nagbuwis ng buhay, dahil sa kanilang tapat na pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, bilang isang doctor or nurse. Sila ang mga ilaw na nagbigay liwanag sa madilim na kalagayan ng mga biktima ng Covid-19 sa panahong ito ng pandemya. Hindi nila itinago at ipinagkait ang kanilang kaalaman at kakayahan, upang tumulong sa kapwa. Mga kapanalig, magpasalamat tayo sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Payabungin natin ang mga ito at ibahagi natin sa ating kapwa ng buong puso.

    - Sr. Pinky Barrientos, FSP | Daughters of St. Paul



    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 26, 2022 - Miyerkules

    Mabuting Balita | Enero 26, 2022

    Miyerkules sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: MARCOS 4:1-20

    Nagsimulang magturo si Hesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing dagat naman ang lahat. At marami siyang itunuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo:  “Makinig kayo! Lumabas

    angmanghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa. Makinig ang may tainga! Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanila.  Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita agad-agad silang natitisod.  May iba pang nahasik sa

    mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga.  Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

    PAGNINILAY:

    Mga kapanalig, ang mga binhi ay tumutukoy sa Banal na turo ng Panginoong Hesus. Ang paghahasik naman ay ang Kanyang pangangaral. Kay Hesus, muling narinig ng mga tao ang tinig ng Panginoon na minsa’y tumahimik habang naghihintay ng tamang panahon sa Kanyang pagdating. Pero sa kabila ng kapangyarihan ng Kanyang Salita, iba-iba ang naging tugon ng mga nakikinig. May madaling makalimot sa pahayag, mayroong hanggang kaalaman lang at hindi isinasabuhay, mayroon ding tinatanggap ang pahayag, pero kulang sa paninindigan, at mayroon ding mapalad na tinatanggap ang Salita, iniingatan at pinagsisikapang magbunga sa kanilang buhay. Alin ba tayo sa mga taong ito? Kamustahin natin ang araw-araw nating tugon sa pakikinig sa Banal na Salita ng ating Panginoon. Nagbubunga ba ito sa ating buhay? Sana’y mithiin nating pagyamanin at magbunga ang Banal na Salita sa ating buhay. Sa ganitong paraan, maipapalaganap natin ang Kaharian ng Diyos sa ating kapwa.



    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 25, 2022 – Martes

    Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

    Mabuting Balita | Enero 25, 2022 – Martes sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: MARCOS 16:15-18

    Sinabi ni Hesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.

    PAGNINILAY:

    Ipinagdiriwang po natin ngayon ang Pagbabalik-loob ni San Pablo, Apostol or the Conversion of St. Paul. Bakit nga ba ipinadiriwang ito ng ating Simbahan? Nais ko pong magbigay ng tatlong pagninilay ukol dito. Una, ang pagbabalik-loob ni San Pablo ay hindi pagbabagong-buhay mula sa kasamaan patungo sa kabutihan. Ang Conversion of St. Paul ay pagpapanibago ng kaisipan mula sa inaakala niyang katotohanan, patungo sa katotohanang ipinahayag sa kanya ni Kristong Muling Nabuhay. Isang matapat na Hudyo si San Pablo, isinasabuhay at tinutupad niya ang mga batas ng mga Hudyo kaya nais niyang hulihin ang mga naniniwala kay Hesus sa pag-aakalang naliligaw sila ng landas. Pero nang magpakita sa kanya si Hesus sa daan papuntang Damascus, namulat siya sa katotohanan at niyakap ang pananampalataya kay Hesus na muling nabuhay. Ganito rin tayo minsan mga kapanalig, di ba? Marami ang nagpapahayag na kani-kanyang katotohanan, gaya ng mga kanditato sa eleksyon. Nakakalito na nga minsan, kaya sana buksan natin ang ating isip sa tunay na katotohanang nakabase sa facts hindi sa opinion sa social media o tiktok. Pangalawa, nang masumpungan ni San Pablo si Hesus, hindi na bumalik sa dati ang kanyang pamumuhay. Buong tatag nyang pinanindigan at ipinahayag sa lahat ng sulok ng daigdig ang mabuting Balita ni Hesus na muling nabuhay. Mga kapanalig, hingin natin sa Banal na Espiritu ang biyaya ng katapatan at katatagan ng loob na maisakatuparan ang mga resolution na ating ginagawa tuwing magkakaroon tayo ng meaningful encounters with the Lord. Nawa’y hind maging ningas-kogon ang ating mga pagpapasya na sumunod at mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Pangatlo, Huwag nating ikahiyang ipahayag sa salita at gawa ang ating pananampalataya. Lalo na ngayong panahon ng pandemya, marami pa ang nangangailangan ng pagmamahal at pagkalinga upang gumaling at makabangon mula sa krisis na dulot ng pandemya. Let us spread love and prayers dahil ito ang hihilom sa mga sugat na dulot ng pandemya at kawalan ng pag-asa.

    - Sr. Lou Ranara, FSP | Daughters of St. Paul

    5 min
  • JANUARY 25 - CONVERSION OF ST. PAUL, THE APOSTLE l PATRON SAINT OF THE DAUGHTERS OF ST. PAUL & THE PAULINE FAMILY

    CONVERSION OF ST. PAUL, THE APOSTLE PATRON SAINT OF THE DAUGHTERS OF ST. PAUL & THE PAULINE FAMILY

    Feast day : JANUARY  25

    Many of us know very well St. Paul, the Apostle, patron of missionaries, theologians and of evangelizers. His Exemplary virtues are courage, constancy, fortitude, compassion, celibacy, frankness, and sincerity. We read his 13 Letters in the New Testament during Holy Mass and his teachings continue to be the important roots of theology, worship and pastoral life in the Catholic, Protestant, Orthodox, Eastern, and other minor Churches. St. Paul is considered by many to be the most important person, after Christ, in the history of Christianity. He was born about 5 B.C. or 5 A.D. and named Saul, in Tarsus, Cilicia (modern Turkey), of a devout Jewish family from the Tribe of Benjamin. He was involved in tent-making, was educated under Gamaliel, one of the most noted rabbis in history, and became a Pharisee. A faithful follower of the Mosaic law and the Jewish traditions, he hated the Christians. And, in fact, he took part in the stoning of Stephen, the first martyr, by guarding the cloaks of Stephen’s persecutors.

    Saul, was intent in eradicating the Christians. He obtained the permission to capture, imprison and punish them. Yet, the Lord had other plans for him. And we know what happened next. Jesus appeared to him on his way to Damascus saying: “Saul, Saul, why are you persecuting me?” Saul fell to the ground and Jesus told him: “I am Jesus, the one you are persecuting.” Blinded, Saul was led to Damascus and after three days he was baptized. He was filled with the Holy Spirit and regained his sight, was converted to Christianity and took the name Paul.

    After Paul’s conversion, he became an ardent apostle of Christ. He stayed in Arabia for three years, returned to Antioch and went to Jerusalem to see Peter and James. Paul and Peter decided to separate ways: Peter to preach to the Jews and he to the pagans or Gentiles. This is why he is called “Apostle of the Gentiles”. He travelled to many places in Asia Minor and in Europe. He met many trials and difficulties, but he never gave up his mission to proclaim Christ. The Jews were his greatest adversaries. But, he had also many supporters. Once, they lowered him in a basket to avoid his enemies. Many times, they helped him collect money for the churches he had established, his converts cried when he bade them goodbye. Due to his missionary work, the Jews hated him and he was put to prison. He went to Rome to appeal to the emperor, but he was again imprisoned. While in prison, he continued to write and to proclaim that Jesus Christ is Lord, the Son of God and the expected Messiah.

    Paul’s many Letters reveal someone who is convinced, dedicated, intelligent, compassionate, clever, quick-witted, emotional, sometimes angry and frank but profound and pervasive. Paul was beheaded in Rome about the year 64 or 67 A.D., during the persecutions of the Christians by Nero. Tradition says that when Paul was decapitated, his head bounced three times and produced three fountains: one hot, one warm, one cold. A church was built on the spot in the 5thcentury, called St. Paul Church of Tre Fontane at Via di Acque Salvie, Rome. It was renewed in 1599 and now belongs to a religious order of men. In 1950, the fountains were sealed to prevent water pollution. The church still reminds us of the greatness of St. Paul.St. Paul is also the Patron Saint of the Daughters of St. Paul & the Pauline Family.

    O Glorious Saint Paul, after persecuting the Church you became God's most zealous Apostle. Obtain for us the grace to be good Christians so as to bring the faith to others and to accept any trials and tribulations that may come our way. Amen.

    Do I give time to the reading of the Bible and of the Letters of St. Paul? Or do I instead enjoy reading pornographic or fake stories?

    6 min
  • Mabuting Balita | Enero 24, 2022 – Lunes

    Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

    Mabuting Balita | Enero 24, 2022 – Lunes sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: Mk 3:22-30

    May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas?  Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon.  At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang samdahayang iyon.  At kung si Satanas ang lumalabas sa kanayang sarili  at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya.  Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas.  Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos.  Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang haggan ang nasa kanay.”  Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus

    PAGNINILAY:

    Isang madaling araw, napaaga ako ng gising dahil nag-aaway ang dalawang aso sa kapit-bahay. May nagngangalit ang pagtahol, may umiiyak sa sakit. Isang konkretong halimbawa ito, ng sinabi ni Hesus na disharmony. Pag-aaway! Hindi tugma ang pagiging Kaharian sa pinaghaharian; ang haligi ng tahanan, sa kanyang maybahay at mga anak. Hindi rin ito naiiba sa mga nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan at nagmamaltrato sa mga dukha. Ang gumagamit sa mga bulag at pilay para manlimos sa kalsada; ang glorification sa salapi, at malustay na paggamit para sa sariling kasiyahan. Ang mga nakikinabang sa issue ng kawing-kawing na covid mutations. Tapos, sa lahat ng ito, kanino mo ipinaparatang? Sana hindi mo rin sasabihin na parusa ito ng Diyos. Mga kapanalig, balikan natin ang Gospel ngayon. Ano’ng katwiran ng mga Eskriba na itinuring si Hesus bilang prinsipe ng demonyo? Pinuno ng mga diyablo, pupuksain ang sarili niyang mga alagad? Oh c’mon.  Ihiwalay natin ang dulot ng masama mula sa kagandahang-loob at kabanal-banalang naging laman at dugo na Salita. Ngayong buwan ng Enero, magandang i-renew natin ang ating pananaw. Sa lahat ng ligalig, kaguluhan, iskandalo, tingnan natin ito sa perspektibo ng kaligtasan. Si Hesus na dukhang Diyos, na inabuso ng makapangyarihan, ay patuloy na kalakbay ng mga biktima ng bangis ng masama. Sa binibilang natin ng taon ng paghihirap, may restoration Siyang ginawa. Araw-araw, gawin nating tinig ang himig ni Hesus “Pagmasdan, binabago ko ang lahat.” Di ba ito ang diwa ng kabanal-banalang Espiritu ni Hesus? - Sr. Gemmaria de la Cruz, FSP | Daughters of St. Paul



    5 min
  • Mabuting Balita | Enero 23, 2022 – Linggo

    Bagong Umaga | Bagong Pag-Asa

    Mabuting Balita | Enero 23, 2022 – Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon


    EBANGHELYO: Lk 1:1-4, 4:14-21

    Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya.  Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian.  Tumindig siya para basahin ang Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako  upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha.  Sinugo niya ako upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo.  At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga.  Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig.  At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”

    PAGNINILAY:

    Espiritung bumubuhay ang Salita ng Maykapal! Ito ang mga katagang ipinahayag sa salmo nang unang pagbasa sa araw na ito. Tunay na nagdadala ng buhay ang salita ng Diyos! Para sa mga ayaw tumupad nito, ang Salita ng Diyos ay maaaring magmistulang “lason” na ang dulot ay pagkatakot at kamatayan. Marami ang umaayaw at di nagbabasa ng Salita ng Diyos dahil ayaw nilang mapulaan sa kanilang maling ginagawa, ayaw nilang mabagabag ang kanilang konsensiya at higit sa lahat ayaw nilang harapin ang mga hamong kaakibat nito. Sarado ang kanilang puso sa hatid nitong pagbabago. Mga kapatid, buksan nawa natin ang ating puso sa grasyang hatid ng Salita ng Diyos. Kapag ang Salita ng Diyos ang naging panuntunan ng ating buhay, magiging magaan at masaya ang buhay sa kabila ng mga pagsubok, patuloy tayong aasa sa kagandahang loob ng Diyos at higit sa lahat lalalim ang ating pananampalataya at pakikipag-ugnayan sa Panginoong Diyos.

    - Sr. Lines Salazar, fsp | Daughters of St. Paul

    4 min