Nabalitaan ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayari at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at nang iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita s’ya.
“Gusto mo bang makita si Hesus?” Kung tatanungin natin ang mga tao kung nais nilang makarating sa langit, o kaya makapiling ang Diyos o makasama si Hesus habangbuhay, sigurado akong Oo ang maririnig nating kasagutan. Madali naman kasing sabihin na gusto natin ang isang bagay. Sabi nga nila, libre naman ang mangarap. Kahit sino pwedeng ipahayag ang kanyang ninanais na pangarap sa buhay. Ngunit, ang mas mabigat na katanungan, “Ano ang ating ginagawa para maganap o matupad ang ating pinapangarap?” Kung nais nating maging isang ganap na propesyonal, paano tayo naghahanda? Kung nais nating maging mahusay na mananayaw o atleta, nag-eensayo ba tayo? Lahat ito may kaakibat na pagsisikap, sakripisyo at paglalaan ng sapat na panahon. Gayundin, kung nais nating makita at makasama si Hesus sa ating buhay, hinahanap ba natin siya? Sinisikap ba nating maging banal? Nakikinig ba tayo sa kanyang aral at isinasabuhay ito? Mga kapatid, madaling sabihin na gusto nating makasama si Hesus. Ang tanong, kaya ba nating tupdin ang kanyang mga ihinahaing alituntunin? Kaya ba nating buksan ang ating puso at isipan upang unawain na sa ating pananalig kay Hesus higit pa sa ating inaasahang kaharian ang tunay na paghaharing ibinibigay Niya sa atin? Kaya ba nating magsakripisyo at isabuhay ang hamon ng ating pananampalataya? Mga kapatid, narinig natin sa ebanghelyo ngayon na ninais din ni Haring Herodes na Makita si Hesus. Ngunit hindi handa si Herodes. Bagama’t nasa harapan na niya noong panahon ng paglilitis si Hesus, hindi pa rin nakita ni Herodes sa kanyang puso kung sino talaga si Hesus. Wala siyang buháy na pananampalataya. Kung nais talaga nating makapiling si Hesus sa ating buhay, alam natin ang kailangan. Walang paliguy-ligoy, Isang buháy na pananampalataya na handang magsakripisyo, handang maging bukas palad sa ating kapwa na nangangailangan, handang talikdan ang mga dating baluktot na gawain upang yakapin ang matuwid at bagong buhay na ibinibigay ng Diyos sa atin. Hindi madali ang lahat ng ito, ngunit kung bubuksan ang diwa, puso’t isipan, tiyak na makakasama natin si Hesus, kapiling ang ating kapwa sa ating buhay, araw-araw. Amen.